Ang Pagpanaw ng Unang Obispo ng Maynila

Sa araw na ito, Disyembre 4, noong 1594, pumanaw sa edad na 82 ang Espanyol na Obispo ng Maynila na si Domingo de Salazar sa Intramuros, lungsod ng Maynila. Si Obispo De Salazar ay naging unang Obispo ng Maynila, nang italaga siya ni Haring Felipe II ng Espanya at kinumpirma ito ni Santo Papa Gregory XIII.


Ipinanganak sa La Rioja sa Espanya noong bandang 1512, una siyang naglingkod bilang Obispo ng Madrid noong 1579, at sa basbas ni Papa Gregory XIII, nagsimula ang kanyang panunungkulan bilang Obispo ng Maynila nang dumating siya sa ating bansa noong 1581.


Sa kanyang pamumuno ay pinangasiwaan niya ang pagtatayo ng Manila Cathedral sa loob ng Intramuros, at naging anghel dela gwardya ng mga karaniwang Pilipino, dahil ipinagtatanggol niya ang mga ito laban sa pagsasamantala ng mga encomendero. Tumulong rin siya sa pagtatayo ng mga ospital na para sa mga Pilipino at sa pagtatayo ng Colegio de Santa Potenciana.


Para sa kanyang natatangi at magandang serbisyo sa Pilipinas, itataas sana ang kanyang ranggo bilang Arsobispo ng Maynila, pero hindi na niya naabutan ang kautusang mula sa Santo Papa nang pumanaw na siya. Nang pumanaw siya, humalili sa kanya si Ignacio Santibanez bilang unang Arsobispo ng Maynila. Inihimlay si Obispo de Salazar sa isang crypt sa simbahan ng Santo Tomas sa Madrid, Espanya.


Sanggunian:
• Finegan, P. (1912). Domingo de Salazar. In The Catholic Encyclopedia. New York: Robert Appleton Company. Retrieved December 4, 2021 from New Advent: http://www.newadvent.org/cathen/13395b.htm
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, December 4, 1594, Msgr. Domingo de Salazar died. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/793/today-in-philippine-history-december-4-1594-msgr-domingo-de-salazar-died-


Mungkahing Basahin: