Araw ng Maynila
Ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ay nakikiisa sa pag-alala sa ika-451 taon ng pagkakatatag ng Maynila.
Intramúros ang tawag sa lungsod na itinatag ni Miguel Lopez de Legazpi na nasa mismong kinalalagyan ng kuta ni Raha Soliman sa may bunganga ng Ilog Pasig noong 1571. Ang Intramuros o “sa loob ng mga pader” ang kinikilalang sentro ng pamahalaan, ekonomiya, relihiyon at edukasyon noong panahon ng Español. Matatagpuan sa 60 ektarya ng saklaw nito ang mga pangunahing simbahan, kumbento, eskuwelahan, at gusaling pampamahalaan ng mga kolonisador. Pawang mga Espanyol lamang ang maaaring manirahan sa loob ng nasabing lungsod maliban sa mga Filipinong kutsero, labandera, at kasambahay na nagtatrabaho sa loob ng Intramuros. Sa matagal na panahon, ang Intramuros ang tinatawag na Maynila.
Katulad ng mga lungsod sa Europa noong panahong iyon, napapaligiran ang Intramuros ng tubig at pinoprotektahan ng makakapal na pader. May walong puwerta o pintuan ito, kagaya ng Puerta de Parian, Puerta Real at Puerta Isabel at mga moog na tulad ng San Andres, Sta. Lucia at Santiago naipinatayo ng mga gobernador-heneral ng Filipinas hanggang 1872. Nakaluklok din sa Intramuros ang Katedral ng Maynila; ang mga simbahan ng San Agustin, Santo Domingo, at San Ignacio; mga gusaling pang-administrasyon kagaya ng Ayuntamiento at Intendencia; at mga eskuwelahan tulad ng lumang Ateneo de Manila, Colegio San Juan de Letran, dating Unibersidad ng Santo Tomas, at Colegio de Santa Isabel.
Malaking bahagi ng Intramuros ay nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. May programang inilunsad upang muling ayusin o ibalik sa dating anyo ang mga estrukturang nasira ng digmaan at ng pagpapabaya. Ang nasabing lugar ay kasalukuyang isa sa pinakatanyag na pook na pinapasyalan ng mga Filipino at banyagang turista sa Maynila
Araw ng Maynila, Ang Araw ng Pananakop
Noong 1571, o halos 450 taon na ang nakalipas, ang mga Kastila, sa pamumuno ni Gobernador-Heneral Miguel Lopez de Legazpi ay sinakop ang Maynila upang ito ay magsilbing kabisera ng Kastilang Imperyo sa Asya. Matapos ang isang hindi patas na digmaan sa Look ng Maynila, natalo si Raha Sulayman at matapos nito ay nagsimula na ang kolonyalismo sa dating malayang bayan ng mga Raha.
Ang mga orihinal na mga Pilipinong mamamayan ng Maynila ay pinalayas sa kanilang bayan, at nagtayo ng bagong bayan sa labas ng Maynila. Itong lugar na ito ay tinawag na Bagumbayan. Ang pook na ito ay tinatawag natin ngayon na Rizal Park.
Ang araw na ito, Hunyo 24, ay ipinagdiriwang ngayon taon-taon at tinatawag ngayon bilang “Araw ng Maynila.”
(Mula sa Intramuros. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. https://philippineculturaleducation.com.ph/intramuros/)
No Comment to " Araw ng Maynila "