Ang Sandiganbayan ay isang natatanging hukuman na lilitis sa mga kriminal at sibil na kaso ng katiwalian na ginawa ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan at opisyal ng mga korporasyong pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno ng Filipinas.


Itinatag ito noong 11 Hunyo 1978 sa bisa ng Kautusang Pampanguluhan Blg. 1486 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Nilikha ang Sandíganbayan bilang pagtalima sa atas ng Konstitusyong 1973.


Sa kasalukuyan, binubuo ito ng isang punong hukom at 14 katuwang na hukom. Nahahati ang Sandiganbayan sa limang dibisyon. Bawat dibisyon ay binubuo ng tatlong huwes. Ang unang tatlong dibisyon ng hukuman ay nakahimpil sa Maynila; ang ikaapat na dibisyon ay nasa Lungsod Cebu; at sa Lungsod Cagayan de Oro sa Mindanao ang himpilan ng ikalimang dibisyon.


Mahalagang tungkulin ng Sandiganbayan na pangalagaan ang integridad ng mga pampublikong opisina. Pinapapanagot nito ang mga tiwaling opisyal at kawani na lumalabag sa batas laban sa korupsiyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan.


Nang magsimulang gumanap ng tungkulin ang Sandiganbayan noong 12 Pebrero 1979, mayroon lamang itong isang dibisyon na binubuo ng tatlong hukom. Si Kgg. Manual M. Pamaran ang unang naging Punong Hukom nito kasama sina Kgg. Bernardo P. Fernandez at Kgg. Romeo M. Escareal bilang mga katuwang na hukom.


Taong 1981 nabuo ang ikalawang dibisyon at ang ikatlo nama’y nilikha noong 1982. Binago ang saklaw at kapangyarihan ng Sandíganbayan ayon sa Batas Republika Blg. 7975 at Blg. 8249.


Batay sa bagong batas, ang espesyal na hukuman ay lilitis lamang ng matataas na opisyal ng pamahalaan. Dinagdagan din ang mga dibisyon at komposisyon ng buong hukuman upang mapagsilibihan ang Visayas at Mindanao.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: