Tinutukoy ng Blue Sunday (Blu Sán·dey) ang Batas Republika Blg. 946, na kilala ring Blue Sunday Law, na nagbabawal sa pagbubukas ng alinmang tindahan, bahay kalakal, industriyal man o agrikultural, kapag araw ng Linggo.


Sa partikular, ipinagbawal nito ang pagtatrabaho ng mga empleado at manggagawa hindi lamang kapag araw ng Linggo, kundi kapag Pasko, Bagong Taon, Huwebes Santo at Biyernes Santo, mula alas dose ng hatinggabi hanggang sa susunod na alas dose ng hatinggabi sa mga araw na nabanggit. Ang nasabing batas ay inaprubahan noong 20 Hunyo 1953 at nagkabisa noong 8 Setyembre 1953.


Layon ng batas na pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa at empleado upang mabigyan sila ng isang araw na pahinga sa trabaho sa bawat linggo.


Ngunit may mga eksepsiyon, tulad ng mga ospital, dispensaryo, klinikang dental at medikal, botika, at iba pa, na tumutugon sa mga pangangailangang pangkagipitan.


Dati, sarado ang lahat ng department store sa mga nabanggit na araw. Tanging mga palengke ang bukas sa mga okasyong nabanggit. Ngunit ngayon, walang araw na hindi bukas ang mga mall at malalaking tindahan. May mga araw ng Bagong Taon o Huwebes Santo at Biyernes Santo na bukas nang kalahating araw ang mga mall.


Ito ay dahil ang nasabing Batas Republika ay pinawalang bisa ng Presidential Decree No. 442.


Ang presidential decree ay kautusang ipinalalabas ng Pangulo ng Filipinas na may bisa ng isang batas. Isang pagbabago ito na ipinasok ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos nang ipataw niya ang Batas Militar noong 1972. Si Marcos lamang ang pangulong nagpalabas ng mga dekretong pampangulo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: