Ang dilambaka (Nopalea cochenillifera) ay isang uri ng kaktus, tumataas nang 2 m, sapad, pabilog, matingkad na lungti, at makislap ang mga matatabang tangkay, malaki ang bulaklak na kulay pink, biluhaba ang mapintog at lilang prutas.


Ang prutas at tangkay ay hitik sa Bitamina A at maaaring kainin matapos tanggalin nang maingat ang mga tinik. Maaari itong gawing sangkap sa paggawa ng kendi, jelly, o inuming tulad ng vodka at lemonada.


Ipinantatapal ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan upang maibsan ang rayuma, sakit sa balat, tainga, at ngipin. Maaari ring gamitin para sa mga kirot, pamamaga, kulugo, bulutong, kagat ng ahas at alakdan, diyabetes, alta-presyon, at mga problema sa pag-ihi.


Ang katas ng dilambaka ay nagagamit na additive sa paggawa ng mga earthen plaster. Naninirahan din dito ang parasitikong dactylopius coccus o mga cochineal na maaaring pagkuhanan ng tinang pula.


Katutubo sa Timog Amerika at ipinasok sa Pilipinas noong panahon ng Espanyol, tinatawag din itong dapal, dila-dila, nopal, opuntia, sigangdagat, at sumag.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: