Kamoteng Kahoy
Popular na tinatawag din itong kasaba (cassava) at balinghoy at inuring tapioca plant sa Ingles.
Inaalagaan ito dahil sa malaki at malamang bungang-ugat at nagdudulot ng gawgaw (starch). Alternatibong pangunahing pagkaing may carbohydrates sa maraming lugar sa Asia, Afrika, at Timog Amerika ang kamoteng-kahoy.
Ipinagbibili ito sa anyong arina. May cassava chips na rin ngayon na pangmeryenda. May ulat noong 2002 na umaabot sa 184 tonelada ang produksiyong pandaigdig ng kamoteng-kahoy.
Maraming ilahas na varayti nito hanggang ngayon sa kagubatan ng Timog Amerika. Ang unang pinatubo sa Pilipinas ay mula sa Mexico at dinala dito sa panahon ng kolonyalismong Espanyol.
Madalîng patubuin ang kamoteng-kahoy. Hindi nito kailangan ang matabang lupa o pataba at tumutubo kahit nakabilad sa init. Mahigpit na ipinagbibilin ang paghuhugas mabuti sa bungang-ugat upang maalis ang nakalalason nitong katas sa balat. Hugasan muli matapos mabalatan.
Sa mga nayon ng Pilipinas, karaniwang inilalaga ang bungang-ugat o ginagayat at ipiniprito.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kamoteng Kahoy "