On
Ang kamote (family Convolvulaceae, genus Ipomoea) ay isang halamangubat na may lamang matamis at may talbos na iginugulay.


Ang dahon nito’y hugis-puso o hugis-palad at mayroon din itong di-kalakihang bulaklak. Ang laman naman nito ay pahaba o pabilog, may makinis na balat, at iba’t iba ang kulay gaya ng pula, lila, puti, o kulay-lupa. Ang kulay naman ng laman nito ay maaaring dilaw, kahel o lila, depende sa uri ng kamote.


Ang mahabâ-habang tangkay nito ay nagkakaroon ng ugat kapag napalapat sa lupa. Ang isang halaman nito ay maaaring magbunga ng maraming tuber. Iba’t iba ang laki, hugis, at kulay ng mga tuber ng kamote.


Karaniwan itong kinakain bilang panghalili sa kanin lalo na sa probinsiya. Bukod sa madali itong tumubo, mas mura ito kaysa bigas. Dahil sa madali itong paramihin, karaniwan din itong makikita sa mga kanal o pilapil. Nangangailangan ng sapat na tubig ang kamote para ito’y mabuhay. Ang mga ligaw na kamote naman ay karaniwang ipinakakain sa mga baboy.


Halos lahat ng parte ng kamote ay nakakain. Ang ugat nito ay inilalaga at isinasawsaw sa asukal o arnibal. Ang talbos nito ay ginagawang ensalada o iniluluto sa suka at toyo na parang adobo. Ang dahon nito ay isinasama sa mga may sabaw ng ulam gaya ng sinigang. Ang laman nito ay inilalaga o ipiniprito nang may asukal. Popular na rin ngayon ang mga tinapay na gawa sa harinang gawa sa kamote.


Tinatawag din itong lapni sa Ifugao, pangg-bagun sa Sulu, tigsi sa Bisaya, at tugi sa Bontok.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: