On
Isang bantog na pagkaing Filipino ang balut, nilagang itlog ng itik at pinaniniwalaang pampalakas ng katawan at pampasigla sa pakikipagtalik.


Ginagamit itong pulutan sa inuman at katerno ng sitsaron.


Kamakailan, nauso ang binalatan at ipinritong balut. Ngunit hindi ito basta nilagang itlog ng itik.


Sa bayan ng Pateros, na bantog sa industriya ng balut, maingat na pinipilì ang mga itlog ng itik na kinukulob sa isang pook halimhiman sa loob ng 17-19 araw para magkaroon ng kiti o sisiw.


Ngunit hindi hinahayaang mapisa ang itlog. Pagkatapos ng naturang paghalimhim, kinukuha ang itlog na may sisiw, hinuhugasan, at inilalaga.


May mahilig sa balut sa puti, itlog na kinulob sa loob ng 16- 17 lamang kaya maliit pa ang sisiw.


Karaniwang bahagyang binubuksan ang balat ng isang dulo ng itlog, binubudburan ng asin, at hinihigop ang sabaw at laman.


Ang penoy ay nilagang itlog ng itik na nabilig o hindi nagkasisiw. Sa halip, nagkaroon lamang ito ng malaking masa na putî at dilaw sa loob.


Kung tutuusin, para itong karaniwang nilagang itlog ng manok. Naiiba ang penoy dahil walang tiyak na hugis ang putî at dilaw bukod sa malimit na magkahalo. May uri itong masabaw at may uring tuyo.


Penoy ang pinipilì ng mga tao na hindi káyang kumain ng itlog na may sisiw.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: