On
May kahawig diumanong cortezas de piel sa Espanya, ngunit ang pangalan at gamit ng sitsaron ay higit na nagpapahiwatig ng pinagmulang chicharron ng Mexico.


Tinutukoy nito ang sitsaróng balat ng baboy. Gayunman, hindi na kasama at orihinal na Filipino ang sitsarong bituka at sitsarong bulaklak, at lalo na ang bagnet ng mga Ilokano.


Ang sitsaron ay kinakaing ulam sa kanin anumang oras. Ngunit isinasawsaw din ito sa sukang may siling labuyo at pulutan sa pag-iinuman.


Mapanganib na katuwaan sa inuman ang magkaternong sitsaron at balut sa bawat tungga ng hinyebra o lambanog. Ganoon din ang ginagawa sa bagnet. Gayunman, ang kumunat nang sitsaron ay malinamnam na pansahog sa ginisang munggo. Ang bagnet ay ipinampapalasa din sa pakbet.


Mumurahin ang inilalakong maninipis na sitsaron sa parke’t estasyon ng bus. Medyo matigas din ang sitsarong balat ng kalabaw. Ang totoong mamahalin at inihahain kung pista ay ang sitsarong hamonado, malaking hiwa ng kuwadradong sitsarong may laman.


Samantala, ang sitsarong Cebu ay maliliit na piraso, maputla ang kulay, at masarap kukutin dahil hindi nangangailangan ng sawsawan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: