Tarsila
Nagmula sa Arabeng silsilah, tanikala o kawil, ang tarsila ay di-maiiwasan at pinagtitiwalaang dokumento sa pag-aaral at pag-ugat sa pinagmulan ng mga sultan at pamilyang maharlika sa mga pangkating Muslim sa Filipinas.
Iniingatan itong tila pamanang hiyas ng mga pamilyang maharlika dahil siyang kinokonsulta kapag may suliranin sa tagapagmana.
Sang-ayon kay Cesar Adib Majul (1973), isa itong nakasulat na kronolohiya ng kasaysayan ng pamilya, mula sa tagapagtatag, asawa, mga anak, mga anak ng mga anak, at hanggang sa wakas na kasalukuyan ng salaysay.
Maituturing diumano na matanda ang tarsila na nakasulat sa wikang Malayo; gayundin, maibabatay ang gulang nito sa huling binanggit na pangalan kung may dagdag na ebidensiya hinggil sa kaniya.
Bukod sa mga tarsila, itinuturing din ni Majul na dagdag na ebidensiya ang mga khutbah at kitab. Ang khutbah ay isang sermon o orasyon na binibigkas sa mga pagdadasal kung Biyernes at dakilang pista ng Id ulFitr at Id ul-Adha.
Lahat ng khutbah ay may dasal para sa Propeta at may kaugaliang magdagdag ng mga dasal para sa mga Kasama niya pati na sa unang apat na kalipa at sa kasalukuyang pinunòng Muslim.
Ang kitab ay isang munting aklat o mga tala na naglilista ng mga nagdaang sultan bukod sa kanilang katangian at ginawa. Tatak ng kapangyarihan ang magpagawa ng kitab. Samantala, mahirap diumanong ipaalis ang pangalang binabanggit sa khutbah.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Tarsila "