Halamang-ugat
Itinuturing itong geophyte, ibig sabihin, nagtataglay ng organong nag-iimbak ng enerhiya sa ilalim ng lupa. Sa pamamagitan nito, natatagalan ng halamang-ugat ang mga mapinsalang kondisyong tulad ng matagal na tagtuyot at taglamig.
Ang mga halamang-ugat ay nagkakaiba sa komposisyon ng sugar, starch, at carbohydrates. Mayroong dalawang uri ng halamang-ugat: ang true roots na kinabibilangan ng tuberous roots at taproots; at ang non-roots tulad ng tubers, risoma, korm, at bulbo.
Ang taproot ay may isang malaki, tila tuwid o konikong ugat na humahabà paibabâ. Mayroon itong sentrong tinubuan nang pagilíd ng iba pang ugat. Halimbawa nito ang carrot, labanos, singkamas, at beet. Halimbawa naman ng tuberous root ang ube, kamote, tugî, at kamoteng-kahoy.
Ang korm ay maiksi, nakatayo, at mapintog na tangkay na nagsisilbing imbakan ng enerhiya. Halimbawa nito ang gabe, waterlily, at iba pa.
Ang risoma ay isang sangang tila ugat at karaniwang pahaba, tinutubuan ng ugat paibaba, at nagkakatalbos sa bahaging itaas. Kung itatanim ang napira-pirasong risoma, magkakaroon ng panibagong halaman mula sa mga ito. Halimbawa nito ang luya, asparagus, ginseng, hops, turmeric, galangal, at iba pa.
Ang bulbo ay isang makapal, bilugang organong nag-iimbak ng enerhiya sa ilalim ng lupa, nagtataglay ng sapin-sapin at matambok na dahon at lamad, at may malahimaymay na ugat. Halimbawa nito ay sibuyas at bawang.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Halamang-ugat "