Enerhiya
Tinutugunan ang tradisyonal na pangangailangang enerhiya ng mga fossil fuel, na namumuo sa ilalim ng lupa mula sa labí ng mga sinaunang halaman at hayop.
Ito ay ang
- krudo (petroleum),
- natural gas, at
- uling (coal).
Sa kasalukuyan, ang tatlong ito ang namamayaning pinagmumulan ng enerhiya ng Filipinas.
Matatagpuan ang ating krudo at gas sa 16 sedimentary basin, at karamihan ay nása Palawan. Ang iba pa ay nasa Lambak ng Cagayan, Agusan-Davao Basin, at Dagat ng Sulu.
Nagsimula ang pagtuklas ng krudo at gas sa Filipinas noong 1896, sa isla ng Cebu. Noong 1980, naganap ang unang pagtuklas ng natural gas sa bansa sa Isabela sa hilagang Luzon. Noong 1990, natuklasan malapit sa Palawan ang Malampaya Gas Field, ang pinakamalaking reserba sa kapuluan; sa ngayon, tinutustusan nito ang mahigit-kumulang 40 porsiyento ng pangangailangang koryente ng buong Luzon. Halos kalahati naman ng ating coal ay nanggagaling sa Visayas, lalo sa kanlurang bahagi nito.
Dahil sa papaubos na reserba ng fossil fuel sa bansa at sa buong mundo, nagkakaroon ng malaking kamalayan ang pamahalaan sa paggamit ng tinatawag na renewable, o hindi-nauubos, na uri ng enerhiya.
Ang mga ito ay:
- Heotermal – enerhiyang mula sa init sa loob ng daigdig. Kasunod ng Estados Unidos, ang Pilipinas ang ikalawang pinakamataas na prodyuser ng ganitong enerhiya.
- Haydro – enerhiyang mula sa lakas ng tubig, tulad sa mga ilog. Gumagamit ito ng mga dike (dam), at ilang halimbawa ay ang La Mesa sa Lungsod Quezon, Ambuklao sa Benguet, Angat sa Bulacan, at Maria Cristina/Agus sa Iligan.
- Ocean – enerhiyang mula sa lakas ng mga alon ng dagat. Sa kasalukuyan, pinag-aaralan pa lámang bilang mga potensiyal na planta ang Kipot San Bernardino, Kipot Basilan, isla ng Babuyan, isla ng Siargao, Catanduanes, Aurora, Ilocos Norte, mga isla ng Polilio, at iba pang lugar na may malalakas ang alon.
- Solar – enerhiyang mula sa sikat ng araw. Hindi pa laganap ang paggamit nitó sa Filipinas. Batay sa isang imbentaryo noong 2001, mahigit 5,000 sistemang solar na ang nailagay sa bansa.
- Wind – enerhiyang mula sa lakas ng hangin. May malaking potensiyal dito ang Filipinas bilang nasa gilid ng tinatawag na Asia-Pacific monsoon belt. Ang Rehiyong Ilocos ang nagtataglay ng pinakamalaking potensiyal sa ganitong enerhiya, at ang iba pa ay ang Mountain Province, Batanes, Catandanues, Lungsod Tagaytay sa Cavite, isla ng Cuyo sa Palawan, Masbate, isla ng Lubang sa Quezon, Guimaras, at ilang bahagi ng Batangas at Negros Occidental.
- Biomass – enerhiyang mula sa halaman at dumi ng hayop. Sa kasalukuyan, ilang uri ng biomass na ginagamit sa Filipinas ay bagasse (labî ng halaman, tulad ng tubó, pagkatapos mahigop ang mahahalagang bahagi), balát ng palay at niyog, at dumi ng mga hayop pambukid (baboy, báka, manok).
Bukod sa mga ito, maaari ding gumamit ng tinatawag na alternative fuel bilang pamalit sa petroleum. Ilan dito ang biofuel (langis na gáling sa biomass), methanol, ethanol, natural gas, hydrogen, at liquefied petroleum gas (LPG, at karaniwang ginagamit ng mga taxi sa Kamaynilaan).
Ang Kagawaran ng Enerhiya ang nangangasiwa sa mga balak, programa, proyekto, at gawain ng pamahalaan na may kinalaman sa pagtuklas ng mga pagmumulan ng enerhiya, at ang pagpapaunlad, paggamit, pagbabahagi, at pangangalaga nito.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Enerhiya "