On
Ang holen ay isang munting laruang hugis bola na karaniwang gawa sa kristal, plastik, luad, o bakal. Karaniwan may diyametro itong kalahati hanggang isang pulgada at makinis na makinis ang rabaw upang mapagulong nang mahusay.


Iba’t iba din ang paraan ng paggawa nito. May ginagawa gamit ang kamay, tulad ng mga holen na gawa sa luad at seramika na inihuhugis hanggang maging korteng bola bago patuyuin. Samantala, mayroon din namang ginagawa gamit ang mekanikal na pamamaraan, tulad ng mga holen na gawa sa kristal at sa bakal.


Maraming laro gamit ang holen. Isa sa mga popular na laro nito ay nangangailangang ilagay ng mga manlalaro ang kanilang mga holen sa loob ng isang bílog na iginuhit sa lupa at isa-isa siláng titira gamit ang kanilang holen para palabasin ang holen ng ibang manlalaro sa nasabing bílog. Ang manlalaro na makakapagpalabas ng pinakamaraming holen ang siyáng tatanghalin panalo.


Sa ibang lugar, upang tanghaling panalo, kailangan namang tirahin at tamaan ng manlalaro ang holen ng kalabang manlalaro.


Isa pang popular na laro ang paghukay ng mga munting butas sa lupa na may isa o dalawang dipa ang layo sa isa’t isa. Magdadaan ang bawat manlalaro sa mga butas sa pamamagitan ng pagpapagulong ng kanilang mga holen papasok sa bawat butas. Ang unang manlalaro na makatapos sa pagpapasok ng kaniyang holen sa lahat ng butas ang panalo. May laro namang paligsahan sa pagtarget ng mga nakahileran holen sa pamamagitan ng pinipitik na holen.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: