On
Ang yoyo ay isang laruang ikiran na binubuo ng pinagsaklob na dalawang bilog na kahoy, plastik, o metal, pinag-uugpong sa gitna ng isang maliit na piraso ng kahoy o metal, at pinaiikot sa pamamagitan ng pisi.


Maaaring matagal-tagal na ring nakalikha at nilalaro ang yoyo. Sinasabing sa isa sa mga paglalakbay ni Jose Rizal sa ibang bansa ay naglaro siya ng yoyo sa iba’t ibang estilo upang aliwin ang mga kasama niyang pasahero. Nang tanungin siya kung ano ang tawag sa laruang iyon, ipinaliwanag niyang isa itong sandata na ginagamit upang protektahan ang sarili.


Ngunit napatanyag at naiparehistro ang patente ng yoyo sa pangalan ni Pedro Flores, tubong-Ilocos Norte. Isang bellboy sa isang Amerikanong pamilya si Flores na nakipagsapalaran sa Amerika noong 1920.


Natuklasan ang yoyo ng kaniyang amo nang umukit si Flores ng isang bilog mula sa kahoy at nilagyan ito ng pisi. Udyok ito na mabigyan ng pagkakalibangan ang anak ng kaniyang amo. Natuwa maging ang mga anak ng kapitbahay ng kaniyang amo. Nakita ng kaniyang amo ang potensiyal ng bagong tuklas na laruan at pinondohan ang naging unang pagawaan ng yóyo noon sa Amerika hanggang sa bilhin ang karapatan ng pagmamay-ari nito ni Donald Duncan sa halagang $250,000.


Sa Pilipinas, maging kahoy, plastik, o metal man, ang yoyo ay kinagigiliwan hindi lámang ng batà kundi maging ng matatanda. Iba’t ibang estilo o trick ang ginagawa sa paglalaro nitó at kabílang sa pinakasikat ay ang tinatawag na “walking the dog” at “around the world”.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: