pagong at matsing picture

Pagong at Matsing


Isang napakapopular na kuwentong pambata ang “Ang Pagong at ang Matsing” mula sa isang popular ding bersiyon nito sa panitikang bayan. Una itong nalathala noong 1889 sa Trubner’s Oriental Record sa London at isinulat sa Ingles ni Jose Rizal. Bago ito, noong 1885, isinulat ito ni Rizal sa Espanyol sa album ni Paz de Tavera at may kasamang mga ilustrasyon.


Nagsimula ang kuwento sa pagkakatagpo ng pagong at ng matsing ng isang punòng saging sa may ilog. Pinaghatian nila ito at itinanim ang kani-kaniyang bahagi. Napunta ang bahaging may ugat sa pagong at ang bahaging may dahon sa matsing. Ngunit dahil ang bahaging walang ugat ang napunta sa matsing, madali itong namatay. Ang itinanim naman ng pagong ay nabuhay at nagkabunga. Ngunit hindi káyang akyatin ng pagong ang punòng saging. Nag-alok ang unggoy na akyatin ang punò para sa matsing. Ngunit pagkaakyat sa punò, mag-isang kinain ng matsing ang bunga ng saging. Nagalit ang pagong at para makaganti, nilagyan niya ng tinik at susong paitan ang punò ng saging. Nang bumaba ang matsing sa punò ay natusok siya at nagkasugat. Umupo siya sa isang bao ng niyog na pinagtataguan pala ng pagong.


Galit na nagbantang papatayin ng matsing ang pagong. Una, nagbanta itong itatapon sa apoy ang pagong. Kunwaring natuwa ang pagong dahil magiging mapula raw siya. Kayâ hindi iyon itinuloy ng matsing. Pangalawa, nagbanta itong pipitpitin ang pagong. Muling nagkunwaring natuwa ang pagong dahil dadami raw siya. Kayâ hindi na naman iyon itinuloy ng matsing. Pangatlo, nagbanta itong itatapon ang pagong sa ilog. Nagkunwaring takot ang pagong. Malulunod daw siya at mamamatay. Sa gayon, tuluyan na ngang itinapon ng matsing ang pagong sa ilog. Gaya nang inaasahan, lumangoy lamang ang pagong sa ilog dahil doon siya nakatira at namumuhay.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: