Sino si Gaspar Aquino de Belen?


Itinuturing na unang pangunahing makatang Tagalog sa panahon ng kolonyalismong Espanyol si Gaspar Aquino De Belen (Gas·pár A·kí·no De Be·lén). Kinikilala siya sa kaniyang Ang Mahal na Passion ni Jesu Christong Panginoon Natin na Tola, ang unang nalathalang pasyong tula sa bansa.


Nalathala ang nasabing pasyon bilang bahagi ng kaniyang librong Manga panalanging pagtatagobilin sa caloloua nang tauong naghihingalo (1703), na salin ng Recomendacion del alma ni Tomas de Villacastin.


Naglalaman ito ng mga hakbang sa pagpapahid ng santo oleo sa maysakít at naghihingalo at iba pang ritwal at dasal para sa pagliligtas ng kaniyang kaluluwa. Ito ang dahilan, ayon kay Bienvenido Lumbera, kaya ang Ang Mahal na Passion ni Aquino de Belen ay sumasaklaw lamang sa hulíng yugto ng buhay ni Hesukristo.


Itinatag ng Ang Mahal na Passion ang anyo ng saknong ng pasyon. Binubuo ang saknong ng limang taludtod na may isahang tugma at ang bawat taludtod ay may sukat na walong pantig.


Kinilala rin ni Lumbera ang husay ni Aquino de Belen tungo sa pagsasakatutubo ng ilang diwa ng búhay ni Kristo at nakatulong upang madalî itong maunawaan ng madla. Halimbawa, sinurot ng awtor si Hudas matapos pagtaksilan si Hesus ngunit hindi dahil nagkasála sa Diyos. Sa halip, ang ipinansurot ay ang katutubong konsepto ng utang-na-loob. Ipinaalaala na lumaki si Hudas na matalik na kaibigan ni Hesus, itinuring siyáng “kasambaháy” sa bahay ni Maria, nagsálo silá sa pagkain, at ipinaghahain ng kahit bahaw kapag naligaw sa tahanan nina Hesus. Sa maikling salitâ, sa hálagáhang Filipino, si Hudas ay walang utang-na-loob:


 Di cayo,y, nagsasangbahay,


Iysa ang inyong dulang?


Cun icao ay longmiligao,


May laan sa iyong bahao,


Canin, at anoanoman.


Walang gaanong ulat sa buhay ni Aquino de Belen. Isinilang siya sa Rosario, Batangas at naging tagapangasiwa ng imprenta ng mga Heswita sa Maynila mula 1704 hanggang 1716. Bahagi siya ng principalia at nagkaroon ng edukasyong naghanda sa kaniya bilang isang mahusay na tagapangasiwa ng imprenta.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: