The Parisian Life ni Juan Luna
The Parisian Life ni Juan Luna
Ang isa sa mga pamosong obra ng Pilipinong pintor na si Juan Luna, nabili sa isang auction o subasta sa Hong Kong sa araw na ito, Oktubre 27, noong 2002. Nabili ng Government Service Insurance System (GSIS) sa Christie’s auction house sa Hong Kong ang obrang “The Parisian Life” ni Juan Luna sa halagang 6,674,100 HK Dollar (tinatayang 46 milyong piso ngayon), higit pa sa naunang panukalang presyo ng naturang obra na dalawang milyong HK Dollar.
Sa wakas, naiuwi pabalik sa Pilipinas sa pamamagitan ng subasta ang 129 taong gulang na obra, at inilibot sa buong bansa para makita ng ating mga kababayan ang isa sa mga natatanging obra ni Luna. Enero 2004 nang huling beses na ipinakita ang “The Parisian Life” sa University of Santo Tomas bago ito inilagak sa art museum ng punong tanggapan ng GSIS sa lungsod ng Pasay.
Ipininta noong 1892 ang obrang “The Parisian Life” o “Interior d’un Café” ni Juan Luna noong mga panahong nasa Paris pa siya kasama ang kanyang pamilya, at posibleng ipininta niya iyon ilang buwan bago ang pamamaril niya sa kanyang asawang si Paz Pardo de Tavera at kanyang biyenang si Juliana Pardo de Tavera.
May habang 31 pulgada at lapad na 22 pulgada ang “The Parisian Life”, at tampok sa obrang iyon ang makulay na imahe ng isang babaeng tila isang prostitute na nakaupo sa isang sofa sa kapihan at makikita sa background sina Dr. Ariston Bautista Lin, Dr. Jose Rizal at si Luna mismo. Iba-iba ang naging paliwanag at interpretasyon ng nasabing obra ni Juan Luna, mula sa simpleng paglalarawan ni Juan Luna sa tipikal na kapaligiran sa mga kapihan sa Paris, hanggang sa mas pulitikal at pampropagandang mensahe nito tungkol sa ating bansang nasa ilalim ng kontrol ng dayuhang bansa. Ito ang sinasabing huling obra ni Juan Luna sa Europa, bago siya muling bumalik sa Pilipinas.
Una itong napasakamay ni Dr. Bautista at ng kanyang pamilya, at naitampok pa ito sa St. Louis Exposition sa Amerika noong 1904, kung saan nanalo ito ng medalyang pilak. Itinampok rin ang obrang ito sa libro ni Santiago Albino Pilar na “Juan Luna, The Filipino as Painter” na nailathala noong 1980, tampok ang iba’t ibang mga obrang ipininta ni Juan Luna.
Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, October 27, 2002, yhe GSIS purchased Juan Luna’s Parisian Life painting at an auction in Hong Kong. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/713/today-in-philippine-history-october-27-2002-the-gsis-purchased-juan-lunas-parisian-life-painting-at-an-auction-in-hong-kong
• Christie’s (n.d.). The Parisian Life. https://www.christies.com/en/lot/lot-3992834
• Wikipedia (n.d.). The Parisian Life (painting). https://en.m.wikipedia.org/wiki/The_Parisian_Life_(painting)
Mungkahing Basahin:
No Comment to " The Parisian Life ni Juan Luna "