Ang musang (sa Ingles: civet, civet cat) ay maliit na mammal na madalîng mahutok ang katawan o may malambot at magaang na indayog ng katawan.


Karamihan sa mga hayop na ito ay may pagkakahawig sa pusa na arboryal o naninirahan sa mga punongkahoy, at katutubo sa mga tropikong pook ng Aprika at Asya.


Nakalilikha ang músang ng halimuyak na tanging nagmumula sa kanila. Nokturnal ang hayop na ito. Tumitimbang ang músang ng 1.4-4.5 kilo (3-10 libra, at may sukat na 17-28 pulgada (43-71 sentimetro) ang habà ng katawan (hindi kasama ang mahabàng buntot).


Ang pinakakilaláng músang ay ang African civet (Civettictis civetta) na ayon sa nakatalâng kasaysayan ay pinagkukunan ng halilmuyak na ginagamit sa komersiyal na produksyon ng pabango.


Ang babae at lalaking músang ay kapuwa nakakapaglabas nitó mula sa kanilang perineal gland. Matatagpuan ito sa pagitan ng anus at vulva sa babae o sa pagitan ng anus at scrotum sa lalaki. Upang makuha ang mahalimuyak na likidong ito, kailangang patayin ang músang at alisin ang gland, o kayâ ay kayurin ang halimuyak mula sa gland ng isang buháy na hayop. Ang hulíng paraan ng koleksiyon ang malimit gawin ngayon.


Nabahala ang mga grupong nagtatanggol sa mga karapatan ng hayop, tulad ng World Society for the Protection of Animals, dahil sa pagkolekta ng halimuyak sa musang. Itinuring nila na isang kalupitan ito sa mga hayop.


Sa ngayon, nabawasan na ang pagpatay ng musang upang makuha ang halimuyak.May natuklasan ding pamalit na sintetiko sa mahalimuyak na likidong ito.


Sa Sri Lanka, ang Asian palm civet ay tinatawag na Uguduwa o Kalawedda. Ang Kopi Luwak, na kilala rin sa pangalang caphe cut chon (fox-dung coffee) sa Vietnam at kape alamid sa Filipinas, ay isang uri ng kape na ginawa mula sa mga seresa ng kape (coffee cherries) na kinain at bahagya nang natunaw sa sistemang pantunaw ng Asian Palm Civet.


Kinokolekta ito mula sa mga dumi o tae ng musang. Tinutunaw ng musang ang laman ng mga seresa ng kape, ang buto ay nahahaluan ng mga ensaym sa tiyan, na nagpapabuti ng amoy at lasa ng kapeng ito. May 1000 libra lámang ng kape alamid ang nakakarating sa mga pamilihan taon-taon. Ang isang libra (0.45 kilo) ay nagkakahalaga ng $600, o $100 kada isang tasa ng kape sa ibang panig ng mundo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: