Sino si Ambrosio Rianzares Bautista?
Ambrosio Rianzares Bautista — ang abogado at rebolusyonaryo na may-akda ng Acta de Proclamacion dela Independencia del Pueblo Filipino, na kanya namang binasa noong ika-12 ng Hunyo 1898 sa mansyon ni Heneral Emilio Aguinaldo bago iwinagayway ang pambansang watawat ng ating bansa upang ipahayag ang kalayaan ng Pilipinas mula sa kolonisasyon ng Espanya. Ngayong araw, Disyembre 4, ay ika-118 taon na ang nakararaan mula nang pumanaw siya sa edad na 72 sa lungsod ng Binan, Laguna.
Pumanaw si Ambrosio Bautista noong Disyembre 4, 1903.
Tubong Binan, Laguna, ipinanganak siya sa isang maykayang mag-asawa na sina Gregorio Enriquez Bautista at Silvestra Altamira noong ika-7 ng Disyembre, 1830. Nakapag-aral siya ng abogasya sa University of Santo Tomas at nagtapos noong 1865. Libreng inaalok ni Don Ambrosio ang kanyang serbisyo bilang abugado sa mga mahihirap sa Maynila at Bulacan.
Nang itatag ni Dr. Jose Rizal ang La Liga Filipina ay naging kasapi siya nito at isa sa mga bumuo sa Cuerpo de Compromisarios nang mabuwag sa dalawa ang La Liga. Nang mag-aklasan ang mga Pilipino laban sa Espanya noong 1896 ay isa si Don Ambrosio sa mga dinakip na Pilipinong ilustrado na pinaghinalaang tagasuporta ng himagsikan at ikinulong sa Fuerza de Santiago, pero nakalaya rin nang depensahan niya ang sarili sa hukuman.
Nang mapunta siya sa hanay ni Heneral Emilio Aguinaldo ay si Don Ambrosio ang naging unang tagapayong pulitikal niya, at itinalaga siya bilang Auditor de Guerra. Taliwas sa popular na kultura, si Don Ambrosio ang nagprisenta at nagwagayway ng ating pambansang bandila sa Kawit, Cavite sa saliw ng Marcha Nacional Filipina at hindi si Heneral Aguinaldo.
Nang itatag na ang Unang Republika ng Pilipinas ay itinalaga si Don Ambrosio bilang solicitor general ng pamahalaan ni Pangulong Aguinaldo. Itinalaga rin siya bilang pangulo ng Kongresong Rebolusyonaryo sa Tarlac at naging hukom sa Court of First Instance sa Pangasinan.
Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, December 7, 1830, Ambrosio Rianzares Bautista, lawyer and Gen. Emilio Aguinaldo confidante, was born in Biñan, Laguna. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/799/today-in-philippie-history-december-7-1830-ambrosio-rianzares-bautista-lawyer-and-gen-emilio
No Comment to " Sino si Ambrosio Rianzares Bautista? "