On
Ang pagsalakay ni Limahong sa Maynila


Sa ating pambansang kasaysayan, isa sa mga bukambibig na pangalan partikular na sa mga unang taon ng kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas ang pangalang “Limahong” (sa mga ibang kasulata’y si Lim-A-Hang, Lim Hong, Lin Feng at Ah Hong), isang piratang Tsino noong ika-16 siglo na tinangkang sakupin mula sa mga Espanyol ang Pilipinas.


At sa araw na ito, Nobyembre 29, noong 1574, bisperas ng kapistahan ni San Andres, naharap ang kabisera ng pamahalang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas sa banta ng pananakop ng piratang Tsino na ito, nang mahigit 700 tauhan ni Limahong ang lumapag sa Malate, Maynila.


Armado ng mga arquebus, piko, sibat, palakol at itak, nagmartsa sila sa pangunguna ni Limahong papunta sa mga pader ng Intramuros, kung saan nakasagupa nila ang mga sundalong Espanyol na pinamunuan ni Martin de Goiti. Napatay nina De Goiti ang 80 Tsino, habang 14 Espanyol, kabilang na si De Goiti, ang napatay sa labanang iyon, at sa laki ng mga nawala kina Limahong, napilitang umatras ang mga Tsino mula Malate papuntang Cavite.


Makalipas ang tatlong araw, bumalik sina Limahong sa Maynila, na ngayo’y mas malakas at armado ng mga kanyon ang kanilang mga barko. Pinaputukan nila ang mga itinayong depensa ng mga Espanyol sa Maynila na pinangunahan nina Juan de Salcedo at 50 sundalo. Nabasag man nina Limahong ang kutang ito, nagapi ulit sila sa lupa, at bago sila umatras ulit sa Maynila, tinupok muna nila Limahong ang isang barkong Espanyol at ang simbahan ng San Agustin sa Intramuros. Tuluyan nang umatras sina Limahong mula Maynila pabalik ng lalawigan ng Ilocos pero nagpasyang magtayo muna ng kuta sa lalawigan ng Pangasinan, sa bukana ng ilog Agno sa kasalukuyang bayan ng Lingayen.


Samantala, hinabol naman sina Limahong ni Juan de Salcedo, kasama ang 256 Espanyol at 2,500 katutubo, at sinalakay nila ang kuta ni Limahong sa Lingayen noong ika-30 ng Marso, 1575.