Ang huwego de prenda, batay sa kahulugan ng pinagmulan nitong Espanyol na juego de prenda, ay “laro ng multa.” Nilalaro ito tuwing burol o lamayan. Walang takdang bilang ang maaaring sumali sa laro ngunit malimit na kabataan ang mga kalahok.


Umuupo sa isang pabilog ang mga manlalaro, magkahiwalay ang mga babae at ang mga lalaki, at may lider o hari sa gitna. Bawat manlalaro ay binibigyan ng pangalan. Pangalan ng punongkahoy o bulaklak ang sa babae. Pangalan ng ibon o numero ang sa lalaki.


Nagsisimula ang laro sa pamamagitan ng pahayag ng hari na nawawala ang kaniyang ibon at sisimulan niyang pagbintangan ang isang kalahok na babae. Itatatwa ito ng napagbintangan at ipapasa ang sakdal sa isang kalahok na lalaki. Kailangang mabilis sa pagsagot at pagpapasa ang kalahok. Kailangang memoryado din niya ang mga ibinigay sa kanilang pangalan. Kapag namali sa pagsasabi ng pangalan, o bumagal sa pagsagot, ang kalahok ay “napeprendahan” o napaparusahan.


Ang parusa ay dalawang klase: tumupad ng isang utos o tumula/umawit.


Laro ito ng mga kabataan, lalo na ng mga dalaga at binata, dahil ginagamit na pagkakataon para sa pagliligawan. Malimit na mapagbiro ang utos kapag dalaga ang naparusahan. Malimit namang may nakahandang tula ng pagsuyo ang binata kapag naparusahang tumula. Bago magsimula, sa pagitan ng mga parusa, at sa pagtatapos ay umaawit ang mga kalahok ng dalít at ganito ang koro:


Sa Diyos natin ialay

Kaluluwa ng namatay

Patawarin kaawaan

Sa nagawang kasalanan.


Ang pagsasaulo ng mga solo sa pagdalít ay isang katangiang kailangan upang maging higit na maging aktibong kalahok sa huwego de prenda. Nagagamit niya itong awit sa parusa. Naipagmamalaki din niya itong solo bago magkoro.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: