Ang tsunami ay magkakasunod na alon na may dalang mga bugso ng tubig na kadalasang umaabot sa 100 talampakan ang taas papuntang kalupaan. Ang mataas na pader ng tubig na dala nitó ay nagdudulot ng malawakang pinsala sa oras na tumama ito sa mga baybaying-dagat. Ang terminong ito ay mula sa salitang Hapon na “tsu” (baybayin) at “nami” (alon).


Ang dambuhalang alon ng tsunami ay nagmumula sa malakas na pagyanig na nagaganap sa kailaliman ng karagatan. Kapag ang hanggahan ng mga plato sa sahig ng dagat ay nagkaroon ng biglaang pagbaba at pagtaas, nagbabago ang galaw ng tubig sa ibabaw nitó at mag-uumpisang gumulong ang mga alon na siyáng nagiging tsunami.


Umaabot ng halos 500 milya kada oras ang bilis ng takbo ng isang tsunami. Nagkakaroon ng dramatikong pag-atras o pagkáti ng tubig mula sa pampang na nagreresulta sa panandaliang paglitaw ng mga dáting lubog na bahagi ng dagat at susundan na ito ng pagragasa ng gahiganteng alon na tumatama sa kalupaan.


Karamihan ng tsunami ay nagaganap sa loob ng tinatawag na “Pacific Ring of Fire,” isang aktibong heolohikong lugar na may mga tektonik na paggalaw ng lupa na nagdudulot ng mga lindol at pagsabog ng mga bulkan. Maaari ding pagmulan ng tsunami ang mga pagguho ng lupa at mga pagsabog ng bulkan na nagaganap sa kailaliman ng karagatan.


Ang bansang Hapon ang may pinakamaraming naitalâng insidente ng tsunami sa buong mundo. Ngunit ang tsunaming naganap noong 2004 na nagmula sa Karagatang Indian ay isa sa mga pinakamalagim na kalamidad sa kasaysayan ng mundo, na umabot sa mahigit 230,000 katao ang namatay mula sa 14 na bansang nakapalibot sa Karagatang Indian.


Noong 11 Marso 2011, nagkaroon ng napakalakas na paglindol na nagmula sa ilalim ng karagatang sakop ng bansang Hapon, sa Oshika Peninsula na bahagi ng Tohoku. Isa ang lindol na ito sa pinakamalakas na naitalâ sa bansang Hapon at panlima sa pinakamalakas sa kasaysayan ng mundo.


Nagdulot ito ng tsunami na umabot sa 133 talampakan ang taas at pumatay sa 15,841 mamamayang Hapones. Ayon sa mga opisyal ng Hapon, ito ang pinakamabigat na krisis na tumama sa kanilang bansa na nagdulot ng napakalaking pinsala sa buhay at kabuhayan ng Hapon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: