Sino si Jose Maria Zaragosa?


Isinilang si Jose Maria Zaragosa noong Disyembre 6, 1912.


Isa sa mga naging Pambansang Alagad ng Sining sa Pilipinas pagdating sa larangan ng Arkitektura si Jose Maria Zaragoza, na ngayong araw, Disyembre 6, ay ang kanyang ika-109 taong kaarawan. Ipinanganak siya bilang si Jose Maria Velez Zaragoza noong 1912 sa Quiapo, Maynila.


Nagtapos siya ng kursong Architecture sa University of Santo Tomas noong 1936 at naging pampito sa licensure exams noong 1938. Nagkaroon rin siya ng diploma sa liturgical art and architecture sa International Institute of Liturgical Art sa Roma, Italya at diploma sa comprehensive planning sa Hilversun Technical Research Center sa Netherlands. Namulat man sa istilong Amerikano ng arkitektura, mas naging interesado si Zaragoza sa mga istilong Europeo ng arkitektura.


Mga simbahan ang naging sentro ng obrang pang-arkitektura ni Zaragoza, kung saan ilan sa mga idinisenyo niya ang mga simbahang gaya ng Our Lady of the Holy Rosary sa Caloocan na itinayo noong 1950, Santo Domingo Church sa lungsod ng Quezon at Villa San Miguel sa Mandaluyong noong 1954, Pope Pius XII Center sa Maynila noong 1958, at siya rin ang nagdisenyo sa extension ng simbahan ng Quiapo sa Maynila noong 1984, na umani ng kontrobersya. Siya rin ang nagdisenyo ng unang gusali ng Union Church of Manila na naipatayo noong 1975, na ibinatay ang disenyo sa gusali ng Philippine Exhibition Hall sa New York, pero giniba rin iyon para tayuan ng bagong gusali. Siya rin ang nagdisenyo ng Meralco Building at isa sa mga arkitekto ng gusali ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas at ng nagsarang Bataan Nuclear Power Plant. Sa kabuuan, nagdisenyo si Zaragoza ng 45 mga simbahan, 32 gusaling pampubliko, apat na hotel, dalawang ospital, limang mga housing projects at mahigit 270 kabahayan.