On
pagkaing kalye

Pagkaing kalye


Namumutiktik ang mga lansangan ng Filipinas sa sari-saring uri ng pagkaing ibinebenta sa tabi ng kalsada, sa labas ng mga gusali, at inilalako ng mga tinderong naglalakad o nagbibisikleta. Hindi makakatakas ang pedestriyan sa mabangong amoy ng prito o ihaw, at wala ring takas ang kaniyang tiyan—at pitaka, lalo at múra lámang ang mga pagkaíng kálye!


Pumapasok kaagad sa isipan ang pangkat ng pisbol (na hindi naman talaga bilog, kundi yupi), iskuwidbol, tsikenbol, at kikyam. Mabibili ang mga ito sa mga karitong may kawaling paglulutuan. Mula sa mga pagkaing lumalangoy sa mantika, maaaring mamilì ng tutuhugin, o kayâ ang tindero na ang bahalang pumilì. Kompleto rin sa sawsawan—may maanghang, matamis, maasim, at puwedeng paghaluin ang mga ito.Kadalasang kasáma ng mga nabanggit ang kwekkwek at tokneneng. Magkamukha ang mga ito ngunit magkaiba—gawa ang kwekkwek sa itlog ng pugo, at ang tokneneng ay sa manok o itik/bibi/pato. Inilulubog ang mga ito sa putî ng itlog at arinang may artipisyal na kulay (matingkad na kahel), bago prituhin hanggang maging malutong ang balát.


Siyempre, hindi mawawala ang barbekyu at mga kauri nitóng inihaw. Ang regular na barbekyu ay gawa sa karne ng baboy o manok, at minsan, báka. Ang mga katropa nitó ay ang isaw (lamanloob), adidas (paa ng manok), betamax (pinatuyong dugo), helmet (ulo ng manok), puwet ng manok, balát ng baboy, tainga ng baboy (kilala din bilang Walkman), leeg ng manok, balun-balunan, atay ng manok, at butse. Maaari ding kasabayan ng mga ito ang inasal at liyempo. Iba pang pagkaing kalye na may karne ay ang siyomay (dumplings na gawa sa baboy, báka, o hipon), kalamares (pusit na may baluti ng arina at ipiniprito hanggang maging malutong), tsitsarong bulaklak (lamanloob ng baboy na sinarsahan at ipinrito hanggang maging malutong), pritong balát ng manok, at hotdog. Hindi pahuhuli ang pampalakas ng tuhod at hari ng mga inuman sa gabi—ang balút, at ang katambal nitóng penoy at tsitsaron!


Hindi dapat kalimutan ang mga pagkaing gawa sa bunga ng halaman. Nariyan ang mga pinipritong pagkain tulad ng bananakyu, kamotekyu, maruya (pinaypay), at ang iniihaw na ginanggang. Nakatatakam din ang binatog, mais (na maaaring ihawin, pahiran ng margarina o mantekilya, at budburan ng asin), manggang hilaw (na may katambal na bagoong o asin), at mani (maanghang, maalat, binalatan, nilaga, at prito). Kung tag-init at pampalamig ang usapan, solb na solb táyo sa haluhalo, mais kon yelo, sorbetes (tinatawag na ”dirty ice cream” at may iba’t ibang lasa, tulad ng tsokolate, keso, langka, at ube), iskrambol (”ice scramble,” na gawa sa dinurog na yelo at nilagyan ng pulbos na gatas o kondensada, likidong tsokolate, at asukal), sago at gulaman, at buko juice. Walang panamà ang tag-ulan sa tahó. Pampatamis naman ng malulumbay na araw ang koton kendi.


Hindi nawawala ang mga naglalako ng pagkaing kalye sa labas ng mga paaralan, tulad sa Far Eastern University sa Morayta, Maynila, at kung minsan ay sa loob, tulad sa UP Diliman, Lungsod Quezon. Bentang-benta ang mga ito kahit sa probinsiya Bilang halimbawa, sa isa sa mga pangunahing plaza ng Lungsod Naga, may isang kumpol ng tindahan na nagbebenta ng ”bulastóg,” ang kanilang bersiyon ng kwekkwek/tokneneng. (PKJ)


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr