On
Ang binatog ay pagkain na gawa sa nilagang mga butil ng mais at karaniwang kinakaing may kinudkod na muràng niyog at asin.


Tinatawag din itong batog, kinabog, at pamitak. Madali lamang ihanda ang binatog. Una, ibinababad ang mga butil ng putîng mais sa tubig na may asin hanggang sa mamaga. Ilalaga pagkatapos ang mga butil hanggang sa malapit nang maalis ang mga balat nito. Hahanguin mula sa sabaw na tubig ang mga mais bago lagyan ng asin (o minsan ay asukal) at budburan ng kinudkod na muràng niyog.


Marami na rin sa kasalukuyan ang gumagamit ng de-latang mga butil ng mais dahil na rin naibabad na ang mga ito sa tubig na may asin.


Inilalako sa kalye ang binatog at paboritong imeryenda ng maraming Filipino. Karaniwang inihihiwalay ng magbibinatog sa dalawang lalagyan ang mga sangkap ng binatog; sa isang lalagyan ang mga nilagang butil ng mais at sa pangalawa ang kinayod na niyog, asin, at asukal.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: