Tulad ng mga kalapit na bansa sa Asia, may konsepto rin ng dambuhalang ahas o dragon ang mga sinaunang Filipino. Ito ang bakunawa o laho.


Inilalarawan ito bilang isang higanteng sawa na nakatira sa dagat, may pakpak, pulahang dila, at bungangang sinlaki ng lawa. Iniuugnay ang bakunawa sa eklipse sapagkat may kakayahan daw itong lumamon ng buwan.


Ayon sa mga mito, ang laho ang may sala kung bakit nag-iisa na lang ngayon ang buwan sa langit. Pito raw talaga ang nilikhang buwan ni Bathala upang maging tanglaw sa mundo pagsapit ng gabi.


Ngunit nilamon ng bakunawa ang anim dahil sa labis na pagkahumaling sa liwanag ng mga ito. Upang pigilan ang laho sa tuluyang paglulon sa natitirang buwan, itinataboy ito ng mga sinaunang Filipino sa pamamagitan ng paglikha ng ingay.


Ito ang dahilan kung bakit laho ang tawag ng mga sinaunang Tagalog sa eklipse. Ngunit hindi ito tumutukoy sa simpleng paglaho o pagkawala ng buwan. Bagkus, inilalarawan nito ang mismong pagkain ng laho o bakunawa sa buwan gaya ng matatagpuan sa mga tala ni Francisco de San Antonio sa Vocabulario Tagalo (1620): “cqinain nang Laho ang bouan,” “masaquit ang paglamon ng Laho sa buwan,”,“inaloua nang Laho ang bouan,” at “linamon pala nang Laho ang bouan caya nangamarillim.”


Ganito rin ang paglalarawan ng mga sinaunang Bisaya sa eklipse gamit naman ang bakunawa. Matatagpuan halimbawa sa mga talâ ni Alonso de Mentrida hinggil sa bokabularyo ng mga Bisaya ang “binacunauahan ang bulan.”


Dahil takot ang mga sinaunang Filipino sa tuluyang paglalaho ng liwanag, nagsilbing tagapaghimatong ng kasamaan at ng kabutihan ang bakunawa: kasamaan dahil panandalian nitong pinagdidilim o binabantaang magdilim ang paligid, at kabutihan sapagkat muling nagbabalik ang liwanag pagkatapos ng ilang sandaling pagkawala nitó.


Pinagmulan: (https://philippineculturaleducation.com.ph/bakunawa/)


Mungkahing Basahin: