Bisaya
Inilalabas ito ng Manila Bulletin Publishing Corporation. Sinasabing ito ang pinakamatanda at pinakamatagumpay na peryodikong inililimbag sa wikang Sebwano.
Karaniwang inilalabas nito ang mga akdang pampanitikan (tulad ng nobela, maikling kuwento, tula, at sanaysay) kasama ng mga popular na artikulo (tulad ng balita sa bansa, showbiz, at palakasan).
Itinatag ni Ramon Roces ang Bisaya sa kahilingan ng Sebwanong makata na si Vicente Padriga. Si Padriga ang naging unang patnugot nito.
Lumabas ang unang isyu nito noong 15 Agosto 1930 kasama ng iba pang magasing inilathala noon ng Liwayway Publishing, Inc. Nahinto lamang ang publikasyon nito sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ngunit ibinalik din ito noong 14 Agosto 1946.
Noong 1948, sinamahan ang Bisaya ng publikasyong Saloma, isang polyetong naglalaman ng mga akdang pampanitikan sa Sebwano (kabilang ang isang buong nobela). Tumagal lamang hanggang sa dulo ng mga taong 1950 ang Saloma.
Maraming naging tanyag na manunulat sa Sebwano ang nakilala o naglathala sa Bisaya. Ilan na rito sina Carlos P. Garcia, Marcel Navarra, Severino Retuya, Natalio Bacalso, at Sulpicio Osorio.
Nagsisilbi din ang magasing ito bilang lunsaran ng maraming rehiyonal na manunulat sa kasalukuyan. Sa ganitong paraan at sa pagsuporta sa mga akdang Sebwano, nakatutulong ito sa paglago ng Panitikang Sebwano.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bisaya "