Vocabulario de la Lengua Tagala
Sa lahat ng mga bokabularyong nilikom ng mga misyonero at inilimbag noong panahon ng Espanyol ay itinuturing na pinakanatatangi ang Vocabulario de la lengua tagala (1754) nina Fray Juan Jose de Noceda at Fray Pedro de Sanlucar.
Mina ito hinggil sa katutubong wika at karunungan ng mga Tagalog. Bukod pa, itinuturing itong pangunahing sanggunian hinggil sa mga inilimbag na halimbawa ng sinaunang maikling tula, mula sa bugtong at salawikain hanggang sa diyona, dalít, at tanaga.
Ginamit ito ni William Henry Scott upang balikan ang industriya ng mga Tagalog pagdatíng ng mga Espanyol. Ginamit ito nina Julian Cruz Balmaseda, Bienvenido Lumbera, at Virgilio S. Almario upang aninawin ang katutubong pagtula.
Sang-ayon kay E. Arsenio Manuel, ito yata ang pinakamatagal na inihandang aklat sa ating kasaysayan. Mula sa “Prologo” ng edisyong 1860 ng Vocabulario ay nakasaad na nagsimula ito sa tesauro ng Dominikong si Fray Francisco de San Jose na dumating sa Pilipinas noong 1594 at namatay noong 1614.
Itinuloy ang proyekto ni Fray Miguel Ruiz na namatay noong 1630 at sinasabing bumuo sa mga entri sa mga letrang A, B, C, at D. Panghulíng Dominikong humawak ng Vocabulario si Fray Tomas de los Reyes na nag-ipon ng mga salita sa mga titik M, N, Ng, at O.
Unang Heswitang humawak sa Vocabulario si Fray Pablo Clain na namatay noong 1717. Isinalin ito kina Fray Francisco Jansens at Fray Jose Hernandez, bago napunta kina Noceda at Sanlucar.
Namatay si Noceda noong 1747 kaya si Sanlucar ang naiwang nangasiwa sa limbag na unang edisyon. Malaki din ang utang na loob ng proyekto sa Vocabulario Tagalong Pransiskanong si Fray Francisco de San Antonio na natapos noong bago mag-1620. Marami sa mga lahok at depinisyon sa Noceda at Sanlucar ang inangkat mula sa San Antonio.
Ipinagpatuloy ni Sanlucar ang pagwawasto at pagdaragdag sa Vocabulario hanggang mamatay. Ang lumabas na edisyong 1860, sa gayon, ay tinapos ng mga Agustino.
Sa edisyong ito, maaaring si Sanlucar ang sumulat ng “Algunas Advertencias para el Uso de Este Vocabulario.” Gayunman, mga padreng Agustino ang nagdagdag ng “Suplemento” na maituturing na naglalaman na ng mga bagong salita sa wikang Tagalog nitóng ika-19 siglo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Vocabulario de la Lengua Tagala "