Tanaga
Ang tanaga ay isa sa mga halimbawa ng maikling katutubong tula sa Pilipinas. Ayon sa Vocabulario de la lengua tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ito ay itinuturing na mataas na uri ng tula dahil hitik sa talinghaga. Nagbigay din ng mga halimbawa ng tanaga ang naturang bokabularyo.
Batay sa mga halimbawang ito, ang tanaga ay isang tula na may apat na taludtod, pipituhin ang sukat ng bawat taludtod, at isahan ang tugma. Ang paksa ay tungkol sa mga obserbasyon sa buhay.
Ang saknong ay karaniwang binubuo ng dalawang dadalawahing taludtod na nakapagsasarili bilang pahayag na nagbibigay ng aral. Kung minsan naman, nakasentro ang saknong sa iisang idea o kalipunan ng mga imahen na nagsasaad ng isang damdamin o kaisipan.
Ang tanaga ay nahahawig sa salawikain sa tinig at tema. Gayunman, ang tanaga ay itinuturing na nagpapahayag ng mas matinding damdamin at mas malalim na kabatiran tungkol sa buhay. Mas matalinghaga rin ito.
Ang tanagang nakarating sa atin ngayon ay sumusunod din sa mas mahigpit na estruktura kung ikokompara sa salawikain na mas pabago-bago ang estruktura.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Tanaga "