Ang gamugamo (o moth sa Ingles) ay isang uri ng insekto na maaaring maiugnay sa mga paruparo sapagkat kapuwa kabilang sa order Lepidoptera.


Karamihan sa mga uri ng insekto na nasa order Lepidoptera ay mga gamugamo. Pinaniniwalaang may mahigit sa 160,000 uri ng gamugamo; sampung beses ang dami sa uri ng paruparo.


Karamihan sa mga gamugamo ay nocturnal, isang katangian ng mga hayop na gising sa gabi at tulog sa araw. Ang salitang Heteronacera ay ginagamit ding pantukoy sa mga gamugamo samantalang ang salitang Rhopalocera ay ginagamit naman sa mga paruparo upang magkaroon ng pagkakaiba.


Ang mga gamugamo ay kinakain ng mga kapuwa hayop, tulad ng paniki, kuwago, ibon, butiki, pusa, aso, daga, at ilang oso. Ang pinakamalaking gamugamo sa buong mundo ay ang Atlas moth.


Isang popular na anekdota tungkol kay Rizal ang kaniyang pagmamasid sa gamugamo na tila nagsasayaw paikot-ikot sa lampara isang gabing binabasahan siya ng kuwento ng kaniyang inang si Teodora Alonso. Bakit ba ito naaakit lumapit sa ningas ng ilaw upang masunog at mamatay? Nang itanong niya ito sa ina ay pinayuhan siya ng ina na huwag tumulad sa gamugamo. Waring tumiim sa kaniyang kalooban ang mahiwagang ugali ng gamugamo.


Alam natin ngayon ang siyentipikong dahilan kung bakit naaakit ang gamugamong dumikit sa ningas ng ilaw. Ngunit sa anekdota, may nagsasabing naging sagisag ito kay Rizal ng panganib sa paghahanap ng katotohanan (ang simbolo ng liwanag). At pinatutunayan ng kasaysayan na hindi niya sinunod ang payo ng magulang sa bagay na ito. Namatay din siya, tulad ng gamugamo, sa pagsisikap maabot ang liwanag para sa kaniyang bayan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: