Kulambo
Hinabing sinamay, isang uri ng matigas ngunit matibay na tela mulang abaka, ang sinaunang kulambo. Yari na sa plastik ang kulambo ngayon. Sa karaniwang bahay noon na walang partisyon, hindi tinitiklop ang kulambo sa araw. Sa halip, inililis ito at nananatiling nakasabit upang wari’y markahan at ibukod ang higaan sa ibang bahagi na maaaring gamiting kainan, kuwentuhan, o laruan ng sungka.
May matanda nang kasaysayan ang paggawa ng tent, kortina, lambat, at iba’t ibang proteksiyon laban sa mga insekto kung gabi. Isang pangunahing pangangailangan ito ng mga tao sa lupaing gaya ng Filipinas na maraming lamok, langaw, at ibang pesteng insekto. Isang katangian ng arkitektura ng bahay-kubo ang mga nakabukas na sahig at bintana para sa malayang daloy ng simoy at nagtataboy ng insekto. Ngunit higit na garantiya ang kulambo para makaligtas sa kagat ng lamok.
Bukod sa proteksiyon laban sa insekto, nagdudulot din ang kulambo ng kapayapaan ng loob. Magkakamag-anak lamang, ang ibig sabihin, ang magulang at mga anak, ang maaaring magsukob sa malaking kulambo.
Ang pagsusukob sa kulambo ay sagisag ng matalik na ugnayan at pagmamahalan. Kaya natutulog “sa labas ng kulambo” o “outside the kulambo” ang naparusahan sa isang mabigat na kasalanan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kulambo "