Bahay
May arkitektura ito na nakaugat lagi sa kulturang Filipino ngunit patuloy na umaangkop sa mga impluwensiyang dayuhan na nagpayaman sa karanasang pambansa.
Nangangahulugan ito ng paglalahok ng katutubong Filipino, ng sangkap na Asyano, at ng pagbabagong Kanluranin. Ang paglalahok ay hindi lamang artistiko.
Malaki ang papel ng kaligirang tropikal sa naging anyo ng bahay-kubo, bahay-na-bato, at pagdisenyo ng mga kondominyo’t apartment ngayon.
Nagkakaisa ang mga arkitekto na hamak na malaki at gumamit ng bato’t matitigas na kahoy ang bahay-na-bato sa panahon ng Espanyol ngunit bahay-kubo pa rin ang pangkalahatang plano nito bukod sa nakinabang sa katutubong talino hinggil sa pag-angkop sa klima’t lindol sa Filipinas.
Samantala, di-maikakaila ang paggaya sa mga modelong Amerikano ng mga unang bahay ng mariwasa sa Forbes Park at San Lorenzo Village sa Lungsod Makati.
Sa kabilang dako, ang bahay ng karaniwang Filipino’y patuloy na nagsasaalang-alang sa praktikal na gamit ng sinaunang tahanan.
Tulad ng bahay-kubo, gumagamit ito ng materyales na madalîng makuha sa paligid: kawayan, kugon, pawid. Kailangang nakaangat ito sa lupa para hindi lumubog sa baha at para hindi maakyat ng peste.
Sa Cordillera noon, sinusuotan ang mga haligi ng oliang o pabilog na kahoy para hindi maakyat ng mga daga ang mga nakaimbak na ani. Kahit munti ang kubo, isang espasyo itong maluwag para sa lahat ng gawain, mula sa silungan, tulugan, palaruan, lutuan, kainan, pagawaan ng likhang-kamay, hanggang tanggapan ng mga panauhin.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Bahay "