Ang daga ay maliit na hayop at kabilang sa order Rodentia, ang itinuturing na pinakamalaking pangkat ng mammal, at natatangi sa pang-itaas at pangibabang pares ng laging-tumutubong ngiping pangngatngat.


Sinasabing may daga na sa mundo 50 milyong taon na ang nakararaan. Pinakakilalang mga species ang itim na daga (Ruttus rattus) at kayumangging daga (Rattus norvegicus).


Ang dagang bukid (Rattus orgentiventer) ay itinuturing hanggang ngayon na puwedeng kainin.


Sinasabing may mahigit 2,050 species ang order Rodentia. Katutubo ang mga ito sa mga lupain, maliban sa Antartica, New Zealand, at ilang islang Artiko. Gayunman, maaaring napasok na rin ng daga ang mga pook na ito sa pamamagitan ng tao. Ang malaking order Rodentia ay may 27 hiwahiwalay na pamilya, kasama na ang mga porcupine, beaver, squirrel, marmot, pocket gopher, at chinchilla.


Sa Pilipinas, itinuturing na salot sa papel at damit sa bahay ang maliit na “dagang dingding” o “bubuwit.” Ginagamit din itong bansag sa sinumang maliit ngunit mahilig gumawa ng gulo, gaya ng “magnanakaw na dagang dingding.”


Tinatawag din itong

  • kino sa Bikol,
  • dagis sa Kapampangan,
  • bao sa Iluko,
  • kumpaw sa Magindanaw, at
  • karam sa Ivatan.


Ilaga ito sa Ilonggo at Sebwano, at napabalita noon dahil ginamit na pangalan ng isang pangkat ng mararahas sa Mindanao.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: