Kulasisi
Kilala rin ang ibong ito sa tawag na hanging parrot sa Ingles.
Katangian ng mga kulasisi ang magpabitin-bitin sa mga sanga ng punongkahoy. Ang katangiang ito ang pinagmulan ng pangalan nito sa Filipinas.
Natatagpuan ito sa mga tropikal na kagubatan at kabundukan. Kasama dito ang 11 subspecies na pawang mga katutubo sa Filipinas. Subalit ang tiyak na taksonomiya ay hindi pa malinaw sa kasalukuyan. Ang malaking bahagi ng balahibo ay kulay berde na may mga lugar na may kulay pula, dilaw, asul, at kahel depende sa subspecies.
Sa lahat ng lahi, maliban lamang sa Loriculus (philippensis) camiguinensis, lalaki lamang ang may kulay pulang balahibo sa ibaba o sa itaas na dibdib (sexually dimorphic).
Maliit lamang ang species na ito. Ang kulasisi ay may sukat na 14 na sentimetro (5.5 pulgada) ang habà, tumitimbang ng 32-40 gramo, at may maiksing pabilog na buntot. Gumagawa ito ng pugad sa mga butas o guwang ng punongkahoy.
Ang kulasisì ay namimilì ng panahon sa pagpapalahi. Namumugad ito mula Marso hanggang Mayo. Ang produksiyon ng babaeng kulasisi ay 3 itlog, at pipisain ito sa loob ng 20 araw. Ang mga batang kulasisi ay mangangailangan ng 35 araw pagkatapos ng pagpisa upang magsimula ng pag-aaral lumipad.
Karaniwan nang nakikita ang kulasisi na nag-iisa o may kapareha, bihirang makita na nakagrupo. Malimit itong naghahanap ng pagkain sa mga ibabaw na bahagi ng kagubatan. Kabilang sa pagkain ang nektar ng mga bulaklak at malalambot na prutas.
Ang ilang subspecies ay bihira nang makita o nawala na.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kulasisi "