Sisidlang Basket
Basketri (mula sa Ingles na basketry) ang pangkalahatang tawag ngayon sa gayong uri ng likhang-kamay. Gayunman, hindi ito laging sisidlan at hindi laging yari sa mga nilapat na kawayan, mga hinimay na bule at pandan, at mga biniyak na yantok at baging.
Sisidlan ang bayong ngunit yari sa malambot na bule o pandan at masinsin ang pagkalala. Matigas ang materyales ng salakot, masinsin ang pagkalala, ngunit putong sa ulo at hindi sisidlan.
Sa sining ng katutubong likhang-kamay, tinutukoy ng basketri ang sining ng paglala, na iba sa kahawig na sining ng paghabi. Magkaiba ang dalawa sa uri ng materyales na ginagamit sa paglikha.
Matigas na yantok o kawayan o magaspang na baging o malapad na dahon ng bule ang materyales sa paglala samantalang pinong-pinong himaymay o sinulid ang materyales sa paghabi. Magkaiba din ang dalawa sa produkto. Tela na karaniwang kasuotan ang produkto ng paghabi; sarisaring sisidlan at kasangkapan ang ginagawa sa paglala.
Isang sinaunang sining at industriya ang paglala ng mga sisidlan at may iba’t ibang pangalan ang uri, alinsunod sa laki, materyales, gamit, at pinagmulang pangkatin.
Sa Tagalog, may maliit na sisidlan na maaaring sunungin at tinatawag na bakul. May malaki’t hindi mayayakap ng dalawang tao at tinatawag na matong.
Ang batulang ay malalaki ang butas, magaspang ang materyales, isinasakay sa paragos o kareta, at ginagamit na panghakot ng mga binigkis na punla ng palay.
Bilao ang pantahip ng palay at bigas. Ang bistay ay kahugis ng bilao, ngunit maluwang ang lala. Nilalala din sa kawayan ang mga sisidlang buslo at ang mga panghuli ng isdang gaya ng salakab at bubo.
Kauri ng bakul ang labba ng mga Ilokano bagaman higit na pino ang materyales at ang pagkalala. Mula sa Cordillera ang naging popular na pasikíng kapalit ng backpack at ang kayabang na nakasaklay sa likod at sinasaló ng isang tali na nakatapal sa noo ng bumubuhat.
May mga produkto ng paglala na kinulayan ang materyales o nagtataglay ng mga disenyong bulaklak, dahon, butiki, at iba pang nagpapakilala sa pangkating pinagmulan. May mga laki at hugis na angkop para maging sisidlan ng regalo o pandekorasyon sa tahanan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sisidlang Basket "