Salakot

Tradisyonal na putong sa ulo ang salakot at pananggalang sa init ng araw o bugso ng ulan.
 

Ang salakot na ito (imahe sa itaas) ay ginagamit ng mga Mandaya buhat sa Davao. Ang hubog nito ay hango sa hugis ng isang apa (cone). Yari ito sa kawayan na pinalapad at hinati sa tatlong panig. Pinagdugtong gamit ang itim na baging ng nito, ang ibabang bahagi ay ikinawing sa biniyak na rattan at tinali sa pamamagitan baging ng nito. Ang pang-ulong kwadro sa loob ay yari sa tinahing nito na pahalang ang disenyo. Ginamit ito ng mga Mandaya bilang panangga sa ulan at init.


May hubog itong pabilog, pabalisungsong, at may malapad na pardilya. Karaniwang yari ito sa kinayas na kawayan, nito, yantok, o dahon ng sasa at masinsing nilala.


Sa gitna ng pang-ilalim na rabaw nito ay may tinatawag na baat—tila koronang nilalang kawayan o yantok at isinusukat ang luwang alinsunod sa laki ng ulo ng magsusuot. Nagbabago ang disenyo, gamit, at sagisag ng salakot alinsunod sa panahon at sa layunin ng nagsusuot.


May iba’t ibang uri ng salakot mulang Luzon hanggang Mindanao. Ang tinatawag na “tapisan” ng mga Tiruray at Magindanaw ng Cotabato ay yari sa uway na masinsing nilala at may disenyo ng itim na nito.


Sa Quezon, may salakot na yari sa nilalang sayubak o balat ng punong saging at may patigas na yantok o nilapat na kawayan.


Noong ika-19 siglo, nauso ang salakot na may palamuting hugis bituin o bulaklak sa tuktok. Gawa sa dinikdik na takupis ng tipay ang mga naturang disenyong heometriko. May salakot namang may nakapalawit na baryang pilak at nakapaikot sa gilid. Ang tali ng salakot na nakasakbat sa baba ng nagsusuot upang hindi tangayin ng hangin ay nilalagyan din ng palamuti. May tali na yari sa pinagkabit-kabit na baryang pilak.


Ang salakot ay bahagi ngayon ng sagisag sa karikatura ni Juan dela Cruz, ang imahen ng ordinaryong Filipino. Nakasuot siya ng barong tagalog, may pantalong alanganin ang habĂ , nakatsinelas, at may suot sa ulo na salakot. 


Ang salakot na ito (imahe sa itaas) ay ginamit ng mga Ivatan na nakatira sa Isla ng Batanes. Hango ang hugis nito sa burol (hill) isang uri ng anyong lupa. Gawa ito sa nito na mayroong barnis na hinabi sa paanyong tirintas. Ang barnis ang nagbibigay ng makintab na kulay kayumanggi nito. Ang patungang bahagi ng salakot ay gawa sa dalawang pinagpatong na kawayan na itinali gamit ang kulay itim na baging ng nito. Mayroon ding salitang “Batanes” na kulay itim na bahagi ng disenyo at nakamarka sa salakot sa pamamagitan ng paraang habi. Bahagi din ng salakot ang isang taling nylon na kulay asul na nagsisilbing panali nito sa mukha ng nagsusuot. Kadalasang isinusuot ito ng mga Ivatan bilang proteksiyon sa init at ulan habang nagsasaka.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: