Isang katutubong balabal laban sa ulan ang kalapyaw.


Sa panahong walang kapote, pinagtatagni-tagni ng sinaunang Filipino ang pinatuyong mga dahon ng anahaw at ibinabalabal sa mga balikat at likod ng magsasaka kapag kailangang lumabas ng bahay at magtrabaho sa bukid kahit malakas ang ulan.


May sintas ang pang-itaas na “leeg” ng kalapyaw at ibinubuhol ito sa harap ng leeg ng maysuot upang hindi malaglag ang balabal kapag kumilos siya o kahit malakas ang hangin.


Karaniwang katerno nito ang salakot o sombrerong bule bilang proteksiyon sa ulo’t mukha ng may kalapyaw. Isang kasabihan din noon ang nagtitiwala sa idinudulot na proteksiyon ng kalapyaw:


Kahit punit ang kalapyaw

Hindi tatablan ng ulan.


Nahahawig sa kalapyaw ang vakul ng mga Ivatan. Ang kaibhan, isang balabal ang vakul mula ulo hanggang baywang at gawa sa masinsing pinagtagning mga himaymay ng halamang voyavoy. Ginagamit din ang vakul na pananggalang laban sa init at sa ulan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: