pag-ibig sa tinubuang bayan

Pag-ibig sa tinubuang bayan


Isang madamdamin at makabayang tula ang “Pag-íbig sa Tinubùang Báyan” ni Andres Bonifacio. Binubuo ito ng 28 saknong at bawat saknong ay isinulat sa tradisyonal na lalabindalawahin—ang saknong na may apat na taludtod, isahang tugma, at súkat na lalabindalawahin—ang saknong na naging popular noong ika-19 siglo at ginamit ni Balagtas sa awit na Florante at Laura. Gayunman, makabuluhan ang tulang ito ni Bonifacio sa kasaysayang pampanitikan ng Filipinas dahil ito ang kauna-unahang akda sa katutubong wika na nagpapahayag ng patriyotismo.


Ipinalalagay na isang saling patula ito ni Bonifacio sa sanaysay ni Rizal, “Amor Patrio” na sinulat ni Rizal at nalathala sa Diariong Tagalog noong 1882 kalakip ang salin ni Marcelo H. del Pilar na “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.” Isang makabuluhan mohon ang tatlong akda sa kasaysayan ng pagsibol ng pag-ibig sa bayan sa dakong ito ng ika-19 siglo at humantong sa Himagsikang 1896. Ang sanaysay ni Rizal at salin ni Plaridel ay maituturing na siklab ng Kilusang Propaganda at nagtataglay ng kailangang sangkap para manghingi ng pagbabago sa pamahalaang kolonyal. Ngunit higit na mataas ang diwaing naipaloob ni Bonifacio sa tula. Ipinahayag niyang pinakamataas ngang uri ng damdamin ang pag-ibig sa bayan, tulad ng wika nina Rizal at Plaridel, ngunit idinugtong niyang ito ang dahilan upang matutong maghimagsik ang taumbayan laban sa pananakop at pang-aapi ng mga dayuhan.


Paborito ng lahat ang unang saknong na may masiklab na pag-uusisa alinsunod sa huwarang retorika ni Balagtas:


Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya


Sa pagkadalisay at pagkadakila


Gaya ng pag-ibig sa tinub’ang lupa?


Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.


Gayunman, nása dulo ng tula ang diwaing Katipunero na ipagtanggol ang bayan at hanapin ang kalayaan kahit mamatay. Hámon ni Bonifacio sa mga kababayan: “Kung sa pagtatanggol búhay ay mapatid/Ito’y kapalaran at tunay na langit.” (VSA)


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr