On
Ang hota ay isang sayaw na nagmula sa Espanya. Natutuhang sayawin ito ng mga Filipino sa kanilang malimit na paglahok sa mga aktibidad ng mga Espanyol. Mabilis at karaniwang nasa batayang kompas na 3/4, maaari rin itong tugtugin at sayawin sa kompas na 2/4 at 4/4. May apat o mas maraming pares ng lalaki at babae ang sumasayaw nito. Sinasayaw ang hota sa pagdiriwang ng mga pista, binyag, at kasal.


Rondalya ang malimit na sumasaliw sa pagsayaw ng hota. Ang ritmo ay nabibigyang-diin sa pamamagitan ng pagpadyak at pagpalakpak ng mga mananayaw at ng mga manonood. Maria Clara, maskota o patadyong ang karaniwang suot ng babae, at barong tagalog at itim na pantalon naman ang sa lalaki.


Ang hota ay masasabing inampon na ng mga Filipino. Sa katunayan, nagkaroon na ng sariling mga bersiyon ang sayaw na ito sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang hota Batangueña, Manileña, Caviteña, de Olongapo, Ecijana, Paloana, Cagayanon, Sarrateña, Laoageña at iba pa ay mga halimbawa nito. Bawat bersiyon ng hota ay may kani-kaniyang katangian.


Ang la hota San Joaquin at Moncadeña ay sinasayaw sa saliw ng ritmo ng kawayan; ang hota Echagueña at Ilocana ay karaniwang sinasayaw naman ng bagong kasal; ang hota Bicolana ay ginagamitan ng mapalamuting pamaypay; ang bersiyong Ilokano na hota Zapatilla ay sinasayaw sa tunog ng pagpadyak ng mga babaeng mananayaw; at ang hota Cabungan naman ay isang pagsasalarawan ng ligawan.


Ang iba pang bersiyon ng sayaw ay ang sumusunod: ang la hota Concordiana at hota Sevillana sa Iloilo; ang hota kalipay ng Samar; hota Rizal ng Batangas; ang hotabal na hango sa pinagsamang pangalan ng hota at balse ay nagmula sa Camahoguin, Gumaca, Quezon; ang hota Gumaqueña na sinasayaw sa mga pormal na pagtitipon ay nagmula sa Gumaca, Quezon; at ang hota Paloana na nagmula naman sa Leyte.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: