On
Ang rigodon de honor (ri•go•dón de o•nór) ay isang uri ng sayawing Maria Clara sa paraang quadrille o bumubuo ng anyong parisukat ang mga mananayaw sa bulwagan.


Mula ito sa rigaudon ng Pransiya na naging popular bilang sayaw ng mga opisyal noong siglo 17 sa panahon ni Louis XIV. Sayaw ito para sa magkapareha, may kakaibang palundag na hakbang, at karaniwang may mabilis na tempo.


Dinala ito ng mga Filipino na mula sa Europa noong siglo 19. Sinasayaw ito sa mga pormal na pagtitipon ng mga opisyal ng bansa gaya ng inagurasyon ng presidente. Kabilang sa mga sumasayaw nito ang Pangulo ng Filipinas, Unang Ginang, mga diplomata, at iba pang opisyal.


Naging bahagi ang sayaw sa pagdiriwang ng 12 Hunyo at mga opisyal na pagdiriwang sa Malacañang.


Isang unang halimbawa ang inagurasyon ng pinuno ng bansa mula noong panahon ni Gobernador Heneral William Taft. Nawala ito noong mga taong 1980 sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Corazon Aquino. Muling naging bahagi ng mga pormal na salusalo ang rigodon de honor noong 12 Hunyo 2009. Ginagawa din ang rigodon de honor sa engrandeng kasal at ibang malaking pagtitipon, lalo ng mga mariwasa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr