Dinengdeng
Isang paboritong putahe ng mga Ilokano ang dinengdeng at karaniwang gawa sa mga gulay na nilaga at sinahugan ng isda at bagoong.
Tinatawag din itong inabraw ng mga Ilokano (ngunit mas ginagamit ang inabraw sa mga lutuing gawa sa mga dahong gulay) at halos katulad ng bulanglang ng mga Tagalog at laswa ng mga Hiligaynon. Kahawig ito ng pakbét ngunit mas kakaunti ang sahog nitong gulay at mas marami ang inihahalòng bagoong.
Ang mga gulay na madalas na kasama sa dinengdéng ay mga bunga at dahon ng malunggay, bunga at dahon ng ampalaya, bunga at bulaklak ng kalabasa, upo, sigarilyas, talbos at bunga ng kamote, bulaklak ng alukon, sitaw, sayote, atsal, puso ng saging, mais, kundol, tabungaw, kadyos, talong, okra, patani, kabute, gabi, balinghoy, saluyot, singkamas, ube, at iba pa.
Dinadagdagan din minsan ng pritong isda, hipon, o liyempo ang dinengdeng. Karaniwang pinaghahalo-halo ang mga sangkap depende sa tagal ng pagkakaluto sa mga ito at sa mga gustong gulay na isama. Karaniwan ding iniluluto ito sa isang palayok.
Sa Agoo, La Union, ipinagdiriwang ang Pistang Dinengdeng tuwing taginit upang ipagmalaki ang pagkaing dinengdeng.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Dinengdeng "