Hiligaynon
Naglalaman ito ng mga akdang pampanitikang tulad ng nobela, maikling kuwento, at tula, at ng mga balita o artikulo tungkol sa mga napapanahong usapin. Nakatulong ang magasing ito sa pagpapalakas ng panitikang Hiligaynon at pagpapaunlad ng paggamit ng wikang Hiligaynon.
Lumabas ang unang isyu ng Hiligaynon noong 1934, ilang taon pagkatapos mailabas ang Bisaya at Bannawag sa pamumuno ni Don Ramon Roces sa ilalim ng Ramon Roces Publications, Inc.
Ang unang naging patnugot ng Hiligaynon ay si Abe Gonzales at una namang tao na lumabas sa pabalat ay si Remedios Martin. Ang pamagat namang lumabas sa pabalat ng isyung ito ay “Ang Bisaya sa Hiligaynon.”
Sumunod na naging patnugot si Ulisis Vadlit noong mga taong 1940. Pansamantalang natigil ang paglalathala ng Hiligaynon dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Naging pangatlong patnugot naman si Francis Jamolangue noong mga taong 1960. Nahinto ang paglilimbag ng Hiligaynon noong 1973 bagaman malakas naman ang sirkulasyon nito.
Dalawampung taon muna ang hinintay bago muling lumabas ang Hiligaynon at si Quin Baterna ang naging patnugot. Sa paglilimbag ng Hiligaynon, umusbong at nakilála ang ilang manunulat sa Hiligaynon, tulad nina Conrado Norada at Ramon Muzones.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Hiligaynon "