Jaime Carlos de Veyra
Si Jaime Carlos de Veyra (Háy•me Kár·los de Véy•ra) ay politiko, peryodista, kinatawan ng Filipinas sa Kongreso ng Estados Unidos, at unang tagapangulo ng Surian ng Wikang Pambansa (Komisyon sa Wikang Filipino ngayon).
Nagsimula ang karera ni de Veyra bilang kalihim ng gobernador militar ng Leyte noong 1898. Nagtrabaho din siya sa pahayagan at naging kasapi ng sanggunian ng munisipyo ng Cebu.
Naging gobernador siya ng Leyte noong 1906 at kasapi sa Asamblea ng Filipinas noong 1907. Naging kasapi siya ng Philippine Commission noong 1913 at kalihim ehekutibo ng Filipinas noong 1916. Noong 1917, nahirang siyá bilang Resident Commissioner sa Estados Unidos, at kinatawan niya ang bansa sa kongresong Amerikano.
Bilang Resident Commissioner ng isang teritoryo ng Amerika, maaari siyáng magsalita at makilahok sa mga usapin ng kongreso ngunit walang karapatang bumoto. Naglingkod siyá hanggang 1923 pagkatapos mahirang muli sa tungkulin.
Nagtrabaho siyá muli bilang mamamayahag noong 1923 bago naitalagang pinunò ng Departamento ng Espanyol sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila noong 1925. Noong 1936, itinalaga siyá bilang unang tagapangulo ng Surian ng Wikang Pambansa, at kasama niya bilang mga unang komisyoner sina Santiago A. Fonacier, Filemon Sotto, Casimiro F. Perfecto, Felix S. Salas Rodriguez, Hadji Butu, at Cecilio López.
Noong 1946, naging mananaliksik pangkasaysayan siyá sa Pambansang Aklatan at naging tagapangasiwa din ang mga manuksrito at publikasyon.
Isinilang siya noong 4 Nobyembre 1873 sa Tanauan, Leyte. Nagtapos siya sa Colegio de San Juan de Letran noong 1893 at nag-aral ng abogasya, pilosopiya, at letra sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1895-1897.
Pumanaw siya noong 7 Marso 1963 at inilibing sa Sementeryo ng La Loma sa Maynila.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Jaime Carlos de Veyra "