Jaime de Veyra
Ngayong araw, Nobyembre 4, ang ika-148 taong kaarawan ng mamahayag, Resident Commissioner ng Kongreso ng Amerika at dating Gobernador ng Leyte na si Jaime C. De Veyra. Ipinanganak siya sa bayan ng Tanauan, Leyte noong 1873, kung saan rin siya nag-aral ng elementarya. Taong 1893 nang nagtapos siya sa Colegio de San Juan de Letran, at kumuha ng kursong Batas sa University of Santo Tomas, na natapos niya noong 1898.
Sa loob ng isang taon, nagsilbi siyang Kalihim ng Gobernador Militar ng Leyte na si Heneral Ambrosio Moxica. Noong 1901 nang nahalal siyang konsehal ng lalawigan ng Cebu, at Bise Presidente ng electoral assembly ng naturang lalawigan. Nagsilbi rin siyang editor sa peryodikong El Renacimiento noong 1905 at noong 1907, nahalal si De Veyra bilang Kinatawan ng ikaapat na distrito ng Leyte sa Philippine Assembly hanggang 1913. Naging miyembro rin siya ng Philippine Commission mula 1913 hanggang 1916, at naging executive secretary ni Gobernador Francis Burton Harrison hanggang 1917. Sa parehong taon, itinalaga si De Veyra bilang Resident Commissioner ng Kongreso ng Amerika hanggang 1923.
Naging pinuno si De Veyra ng Spanish Department ng University of the Philippines Manila campus, at naging Direktor ng Institute of National Language mula 1937 hanggang 1944. Siya rin ang nakatoka sa mga pangkasaysayang manuskrito at lathalain na inaalagaan ng National Library, at historical researcher ng Office of the President noong 1946.
Naging magkatuwang ang mag-asawang Jaime at Sofia de Veyra at kanilang mga anak sa masigasig na paglilingkod sa bayan. Isang peminista at suffragist na nagsusulong ng kalayaan ng mga babae na makaboto si Sofia de Veyra, habang ang kanilang mga anak; si Manuel ay nagsilbing doktor ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa Bataan noong panahon mg digmaan, habang naging dean sa Ateneo Law School si Jesus de Veyra.
Pumanaw ang kanyang maybahay noong 1953, habang namatay sa edad na 89 noong ika-7 ng Marso, 1963 si Jaime C. De Veyra.
Mga Sanggunian:
• https://en.m.wikipedia.org/wiki/Jaime_C._de_Veyra
• https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1329/today-in-philippine-history-november-4-1873-jaime-de-veyra-was-born-in-tanauan-leyte
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Jaime de Veyra "