Ang pagtatapos ng Diliman Commune


Unang araw ng Pebrero 1971, nagsimula ang binansagang “Diliman Commune” sa Diliman campus ng University of the Philippines (UP), kung kailan nagtipun-tipon ang mga estudyante at mga propesor ng nasabing pamantasan para magtayo ng mga improvised na barikada sa paligid ng campus, hindi lang para iprotesta ang biglang pagtaas ng ipapataw na presyo sa bawat litro ng gasolina, kundi ang hindi magandang kalagayan ng ating bansa sa ilalim ng rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos. At makalipas ang walong araw na kumprontasyon, natapos sa araw na ito ang Diliman Commune.


Bilang suporta sa mga tsuper ng mga jeepney na umaaray na sa mataas na presyo ng gasolina, nanawagan ang mga pamantasan sa Maynila na magtayo ng mga barikada sa paligid ng kanilang campus, at lalong pinaigting ng student publication ng UP na Philippine Collegian ang panawagang ito. Pero ang sana’y mapayapang pag-aaklas na ito ay napalitan ng karahasan, nang barilin ng isang propesor ng UP ang isang estudyanteng kalahok sa demonstrasyon. Sa halip na itaboy nito ang mga estudyante, lalo lang nitong pinaigting ang galit nila at mas marami ang lumahok sa pagbabarikada. Pumasok na sa eksena ang mga miyembro ng Philippine Constabulary (PC) para itaboy ang mga estudyante, pero nagmatigasan lang ang dalawang grupong iyon, at armado rin ang dalawang panig. Lalong tumindi ang tensyon sa pagitan ng mga konstable at mga estudyante, na hindi na lang tungkol ang pagbabarikada sa pagsuporta sa mga tsuper kundi iginigiit nila ang kalayaang akademiko at karapatan sa malayang pagbubuo ng mga asemblea. Nataon sa sentenaryo ng Paris Commune ng 1871, idineklara sa radyo na isa nang malayang lugar mula sa pwersa ng estado ang UP, at tinawag na sila na “Diliman Commune”.


Pero noong ika-9 ng Pebrero, sila na rin ang nagkusang baklasin ang mga itinayong barikada sa paligid ng UP, dahil sa kawalan ng kinakailangang mga resources para magpatuloy ang “insureksyon” ng mga estudyante, sa kabila na hindi nabigyan ng kaukulang tugon ang mga hinihingi nila.