Evelio Javier
Si Evelio Javier (E•vél•yo Hav•yér) ay aktibistang politiko at abogado na kumalaban sa diktadura ni Pangulong Ferdinand Marcos. Pinaslang siya noong kasagsagan ng snap elections, ang halalang pinaglabanan nina Marcos at Corazon Aquino, na kaniyang kaalyansa.
Tinagurian si Javier bilang “Ninoy ng Antique,” dahil kapuwa sila martir ni Benigno “Ninoy” Aquino laban sa rehimeng Marcos.
Noong 1971, sa edad na 29, nagwagi si Javier bilang gobernador ng Antique. Siya ang pinakabatang gobernador ng Filipinas ng dekadang iyon. Noong 1986, pinaulanan siya ng punglo habang nakikipag-usap sa mga kaibigan sa hagdanan sa harap ng kapitolyo.
Inilipad ang kaniyang katawan sa Maynila upang maparangalan ng mga kaibigan at tagasuporta, at dumaan ang prusisyon sa kaniyang alma mater na Pamantasang Ateneo de Manila. Libo-libong Antiqueño ang nakiisa sa kaniyang libing sa San Jose, Antique, at sinasabing mas malaki ito kaysa sa libing ni Ninoy Aquino noong 1983. Naging malalim ang talab ng kamatayan ni Javier sa kamalayang Filipino, at sinasabing isa ito sa nagpaalab ng People Power Revolution noong 22 Pebrero 1986, ilang araw lamang pagkatapos ng kaniyang pagkapaslang.
Isinilang siya noong 31 Oktubre 1942 sa Hamtic, Antique kina Everardo Autajay Javier at Feliza Bellaflor.
Nagtapos siya ng mababang paaralan sa San Jose Elementary School sa San Jose, Antique, at hay-iskul sa Ateneo de Manila University. Sa Ateneo din niya nakamit ang digri sa Kasaysayan at Pamahalaan, at digri sa abogasya.
Pumasok siyá sa politika pagkaraang makapasa sa bar exam. Nagkaroon siya ng dalawang anak kay Precious Bello Lotilla. Kapatid niya si Exequiel Javier, na naging gobernador ng Antique pagkatapos daigin ang katunggali ni Evelio, si Arturo Pacificador, at nanilbihan noong 1987-1998 at 2001-2010.
Ipinangalan sa kaniya ang baryong sinilangan (dating Barangay Lanag sa Hamtic) at isang hay-iskul sa Benguet. Sa San Jose, kabisera ng Antique, matatagpuan sa Evelio B. Javier Freedom Park ang kaniyang bronseng rebulto na ginawa ng Pambansang Alagad ng Sining Napoleon Abueva. Ipinangalan din sa kaniya ang paliparan ng bayan (Evelio Javier Airport).
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Evelio Javier "