On
Marahil, pinakamatandang paraan ng pagtinggal sa isda’t lamang-dagat ang tuyo at tinapa. Ang tuyo ay isdang inasnan at ibinilad sa init ng araw. Ang tinapa o tapa ay isdang idinarang sa usok at init ng apoy. Malaking industriya ang tuyo at tinapa sa mga bayang nakabaybay sa dagat. Ginagawa rin ang mga ito sa karne.


Ang tuyo ay bulad sa Bisaya. Pinatutuyo nang buo ang inasnang maliliit na isda, maliban sa popular na danggít na binibiyak na tulad ng daeng. Idinadaeng ang medyo malalaking isda na gaya ng bangus. Wika nga ng isang Bikolanong bugtong hinggil sa bísang (dáeng):

Arin na sira

An daing bituka?


Alin ang isda na walang bituka? Ipinagmamalaki sa Puerto Prinsesa na hindi gaanong maalat ang kanilang bulad.


At huwag isiping pagkain lamang ng mahirap ang tinapa. Maraming lutuin sa tinapa, wika ni Mila S. Enriquez. Pangunahin ang may sabaw na sinampalukang tinapa at tinapang may kangkong. Kasunod ang tinapá sa pansít palábok. Ang hinimay na tinapá kasáma ng sibuyas, siling pukinggan, patatas, at itlog ay ginagawang tórtang tinapa. O ang hinimay na tinapá ay iginigisa sa patatas, singkamas, carrot, seleri, at giniling na tinostang manî, at ibinabálot sa lumpiyâng tinapá.


Ang tipong pansenyora ay ensaladang tinapa: hinimay na tinapá, wansoy, kamatis, sibuyas, at mga piraso ng manggang pahò. Puwedeng isilbi na may hipon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: