On
May iba’t ibang kahulugan ang tawad o pagtawad sa iba’t ibang sitwasyon. Maaari itong isang pagsisikap na makaligtas sa inaasahang parusa, gaya ng paghingi ng patawad ng nakagawa ng mabigat na kasalanan. Maaari itong higit na magaang paghingi lámang ng paumanhin dahil sa di-sinasadyang munting kasalanan. Ngunit maaari namang isang pagmaliit ito sa kakayahan o katangian ng isang tao, gaya ng sinasabing “mapagmalaking” ugali ng mariwasa at maharlika noon.


Ngunit isang pambansang ugali diumano ang paghingi ng tawad o pagtawad sa larangan ng bilihan.


Sa Maynila, naging kasabihang mura sa “Dibi” (Divisoria) at “Il de Tuls” (Ilalim ng Tulay sa Quiapo) dahil malaking magpatawad ang mga tindahan.


Sa negosasyon ng tawad ay laging ipinalalagay na mataas ang “turing” ng tindera. Sa gayon, karaniwang taktika ng pagtawad ang paghingi ng kalahati sa itinuring na presyo. Kasunod nito ang sining ng pagtatawaran. Ibababa nang kaunti ng tindera ang kaniyang turing; itataas naman nang kaunti ng kostumer ang unang tawad. Hanggang magkasundo sila sa presyong malimit na nasa gitna ng turing at ng tawad.


Ang totoo, nangangailangan ito ng di-karaniwang tiyaga at pasensiya sa panig ng tindera at ng kostumer. Ang sabi, sa Pilipinas lamang makatatagpo ng bumibili sa groseri o mall at tinatawaran ang price tag ng binibili.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: