Tiyangge
Ngayong nauuso ang mga imported na damit, sapatos, at bag, mula sa China, Hong Kong, at Bangkok, sumulpot din ang maraming tiyangge. Tulad din ito ng tradisyonal na talipapa, na ang konsepto ay mag-alok ng murang paninda; bagama’t sa tiyangge, ang karaniwang naiisip ng mga mamimili ay mga gamit na mula sa ibang bansa, mura ngunit may mataas na uri.
Nagsimula ang mga tiyangge sa mga nakabukas na lugar, hindi permanente, walang nakatayong may bubong na mga estruktura, at ang mga paninda ay nalililiman lamang ng malalaking payong. Kadalasan, ang tinda rito ay mga damit, sapatos, at ilang gamit sa bahay na mula sa ibang bansa.
Ngunit ngayon, iba’t ibang paninda na ang makikita sa mga tiyangge. May mga lutong pagkain, may mga produktong gawang bahay, o mga bagong produkto ng nagsisimula pa lmang at maliit na industriya.
Ginagawang outlet ang tiyangge dahil maliit pa ang negosyo. Nang una’y tuwing Linggo lamang nagbubukas ang mga tiyangge, o may mga tiyak na araw lamang sa isang linggo. Ngunit ngayon, may mga tiyangge na permanente na ang estruktura at araw-araw nang nakabukas, tulad ng tiyangge sa Greenhills at sa Taguig, at air-con pa.
Ang tiyangge ay mula sa salitang Espanyol-Mehikano na nangangahulugang “pamilihan.” Dahil sa paniniwala ng ilan na ang tiyanggê ay nangangahulugang “paninda,” sumusulpot sa ngayon ang salitâng “tiyanggehan” (siyempre, kalakip ang malumay o mabilis na bigkas sa “tiyangge”) na ninanais ipakahulugang “lugar ng tiyangge,” samantalang sa katunayan, ang salitâng ito ay tumutukoy nga sa gayong lugar.
Iniuugnay rin ang tiyangge sa mas mura at mas sunod sa modang mga gamit, at karaniwan itong makikita sa mga pook na urban, samantalang ang talipapa higit na uso sa kanayunan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Tiyangge "