On
Ang talipapa ay isang uri ng maliit na pamilihan na hindi permanente, o pansamantala lamang. Ang karaniwang palengke ay may permanenteng estruktura, may mga tindahang may bubong at sinasarhan kapag tapos na ang oras ng pagtitinda, o kapag wala nang bumibili. Bukas din ito araw-araw at dinarayo ng mga mamimili para makabili ng samot-saring pangangailangan sa bahay.


Ang talipapa, sa kabilang banda, ay sinasabing hindi permanente sapagkat may mga tanging araw lamang na may nagtitinda rito. Kadalasang walang permanenteng bubong ang mga puwesto ng nagtitinda, kundi malalaking payong lamang na nagsisilbing silungan ng paninda. Kaya ang mga mamimili ay kailangang magtiis sa init ng araw o patak ng ulan. Karaniwan ding ang mga paninda ay nakalatag lámang sa lupa at sinapnan ng diyaryo o nása mababàng mesa.


Gayunman, mas mura ang mga paninda sa talipapa, bagama’t mas kakaunti ang pagpipilian. Kadalasan, ang itinitinda sa talipapa ay mga sariwang bagay, tulad ng isda, prutas, gulay. Maaari ring makabili ng mga damit, sapatos, at iba pang katulad, ngunit karaniwang kaunti lamang din ang mapagpipilian. Malimit magkaroon ng talipapa sa nayong malayo sa poblasyon o sa mga pook maralita sa lungsod.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: